LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Tagumpay na ipinagdiwang ng bayan ng Ibaan ang kanilang ika-191 taong pagkakatatag noong ika-11 ng Pebrero, 2023.
Sinimulan sa pamamagitan ng Banal na Misa na sinundan ng float parade na nilahukan ng mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan ng Ibaan, samahan, organisasyon, at grupo mula sa iba’t-ibang sector at maging ng mga pribadong inidibidwal at samahan.
Lalong pinatingkad ang pagdiriwang ng pakikilahok ng mga paaralan sa naturang bayan na nagsagawa ng street dancing suot ang magagarbo at makukulay na kasuotan na sinundan ng isang court dancing competition na ginanap sa patio ng St. James The Greater Parish Church.
Sa pananalita ni Mayor Edralyn Joy Salvame, binigyang-diin nito na pinaghandaan ng kanilang bayan ang pagdiriwang matapos ang ilang taong nalimitahan ang kilos at galaw ng lahat dahilan sa COVID 19.
“Ang pagdiriwang na ito ay isang hudyat sa pagbangon ng ating bayan sa hamon ng pandemya at lahat ng kalamidad na ating naranasan nitong nakaraang mga taon. Babangon, lalaban at magtatagumpay ang isang Ibaeno kaya’t maligayang pagdiriwang sa ika-191 na taong pagkakatatag ng ating bayan,” ani Salvame.
Nagsilbing panauhing pandangal si 4th District Representative Llanda Bolilia na binigyang-diin ang malaking pagbabago sa bayan ng Ibaan simula noong ito ay unang naging baryo ng Batangas City.
“Susulong ng susulong ang bayan ng Ibaan kasama ang mga Ibaeno at hindi tayo magsasawa sa pagtulong at pagsuporta upang mas mapaayos at mapataas ang antas ng pamumuhay ng mga Ibaeno dahil mismong ang inyong namumuno ng bayan ay isang inspirasyon sa pagtataguyod ng kaunlaran dito,” ani Bolilia.
Kaugnay nito, nagpakitang gilas ang apat na pampubliko at pribadong paaralan sa court dance competition kung saan itinampok ang iba’t-ibang produkto ng bayan ng Ibaan kasama ang tamales, kulambo, liempo, at habi.
Nakuha ng Don Juan A. Pastor Memorial Integrated School ang Championship at nakapag-uwi ng halagang P100K bilang premyo. Naging 1st place naman ang Maximo Hernandez Memorial Integrated School at nagkamit ng P70k na premyo na sinundan ng St. Jude Science and Technological School na nakakuha ng 2nd place at P50K na premyo at nasa 3rd place ang St. James Academy na nagkamit ng P30k na premyo.
Nagkaroon din ng Habing Ibaan Fashion Show kung saan itinampok ang pamosong “habi” sa bayan ng ibaan na nilahukan ng mga kilalang Batangueno designers at mga modelo.
Ang Ibaan ay kilala sa paghahabi kung saan isa ito sa mga hanapbuhay at nakagisnan ng mga Ibaeno na patuloy na pinalalakas at pinalalawak ng lokal na pamahalaan upang mas maipakilala hindi lamang sa bupng lalawigan maging sa ibang bahagi ng Pilipinas at ibang bansa. (MDC/PIA Batangas)