LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Isinagawa ang groundbreaking ceremony sa itatayong Super Health Center (SHC) sa bayan ng Malvar noong ika-15 ng Pebrero,2023.
Pinangunahan ni Senate health Committee Chair Senator Bong Go ang naturang aktibidad kasama sina Mayor Cristeta Reyes at Vice Mayor Alberto Lat, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga punong barangay sa bayan ng Malvar. Nakibahagi din dito ang mga kinatawan mula sa Department of Health at Provincial Health Office.
Ayon kay Sen. Go, patuloy ang pagdami ng mga SHC sa bansa sapagkat kanilang isinusulong ito. Aniya pa, madaming lugar sa Pilipinas ang malalayo at mahirap pumunta sa kabayanan kung kaya’t kapag may SHC ay mas mapapadali nito ang pagtugon sa kalingang medikal.
“Kapag mayroon ng Super Health Center mas mapapabilis ang pagtugon sa gamutan maging ang pagbabakuna ng DOH, ang mga buntis na galing sa malalayong lugar hindi na kailangang ibyahe dahil matutugunan na sa mga SHC. Noong 2022, mayroon 307 na SHC at 322 ngayong 2023 ang itatayo kasama na ang bayan ng Malvar,” ani Go.
Aniya pa, mayroon pang ibang SHC na itatayo sa lalawigan kabilang ang Agoncillo, Calatagan, Taysan, Ibaan, San Juan, Lipa, San Pascual, San Jose at Tingloy.
Dagdag pa ni Go na bukod sa SHC ay limang taon na ding operasyunal ang may 154 Malasakit Center sa buong bansa kung saan pinag-isa na ang serbisyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Health (DOH) at Philhealth. Mayroong dalawang Malasakit Center sa lalawigan ng Batangas, isa sa Batangas Medical center at sa Provincial Hospital sa bayan ng Lemery.
Sinabi naman ni Mayor Reyes na gagawing three-storey ang SHC kung saan maglalaan ng karagdagang P 30M budget ang lokal na pamahalaan. Ang unang palapag ay magsisilbing paanakan at quarters ng mga doctor at nurse, Ang ikalawang palapag naman ay magsisilbing laboratory, xray machine at ultrasound habang maglalagay naman ng dialysis center ang sa ikatlong palapag nito. (MDC/PIA-Batangas)