LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) —Ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang cash incentives na nagkakahalaga ng P100,000 sa may siyam na centenarians mula sa iba’t ibang barangay noong ika-23 ng Pebrero.
Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) IV-A katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang naturang pamamahagi.
Ang nasabing one-time cash incentive ay bilang pagkilala at pagpupugay sa mga inidibidwal na nakaabot ng 100 taong gulang at higit pa na itinatadhana ng Republic Act 10868 o ng Centenarian Act of 2016.
Kabilang sa mga napagkalooban nito ang mga sumusunod: Apolinario Dimaano mula sa Brgy. Tinga Itaas; Francesca Gonzales at Reynaldo Dilay ng Brgy. Balete; Vicenta Manalo ng Brgy. Pinamucan East; Petra Marasigan ng Brgy. San Jose Sico; Maria Ayag ng Brgy. Pallocan East,; Rosita Sadiangcolor ng Brgy. Paharang West; Eugenia Abela ng Talahib Pandayan at Herminia Hernandez mula sa Brgy. Poblacion 20.
Nagbigay din ang pamahalaang lungsod ng P30,000 sa mga senior citizens ng lungsod na nagdiwang ng kanilang ika-100 taon at higit pa na kaarawan.
Ayon kay CSWDO Officer Mila Espanola, ito ay isang paraan ng pagkilala ng lokal na pamahalaan sa mahalagang kontribusyon ng mga senior citizens sa pamayanan.
Lubos naman ang kasiyahan at pasasalamat ng pamilya ng mga centenarians sa ipinagkaloob na cash incentive na malaking tulong sa mga ito para sa kanilang maintenance medicines at iba pang pangangailangan. — Bhaby P. De Castro-PIA Batangas may ulat mula sa PIO Batangas City