ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Ipinasa na nitong Martes sa Sangguniang Bayan ng Odiongan ang ordinansang magbabawal sa paglalagay ng mga supermarket, department stores, at mall malapit sa Odiongan Public Market.
Sa gitna ito ng ulat na nabili na umano ng DiviMart ang bakanteng lupa na matatagpuan sa harap lamang ng palengke ng Odiongan kamakailan.
Nakasaad sa nasabing ordinansa na ang mga malalaking negosyong mga nabanggit ay dapat ilagay isang kilometro ang layo sa perimeter fence ng palengke.
Paliwanag ng may akda ng ordinansa na si SB Quincy Anne Bantang-Cabrera, nakikiusap umano sa Sangguniang Bayan ang mga market vendors na ipasa ang nasabing ordinansa para mabigyan sila ng proteksyon sa iniisip nilang magiging epekto ng malalaking negosyo kung magbukas malapit sa kanila.
Sa remarks naman ni SB Juvy Faderogaya, sinabi nito ang nasabing ordinansa ay ipapadala rin sa DiviMart para mabigyan rin umano ng rekomendasyon ng LGU sa plano nilang magtayo ng supermarket sa bayan.
Bagama't hindi alam ng lokal na pamahalaan kung ang nasabing ordinansa ba ay makakaapekto sa desisyon ng supermarket kung tutuloy pa sila sa kanilang balak na pag-invest, sinabi ni SB Faderogaya na bukas umano ang bayan para sa kanila.
"Sabi nga natin, this business will have a big impact sa atin ito kung sakaling matuloy in some other places without affecting businesses in the market," pahayag ni SB Faderogaya sa session na ginanap nitong Martes, February 21.
Maaalalang noong nakaraang mga taon ay binalak rin ng Puregold na magtayo ng kanilang branch sa labas ng palengke ngunit hindi rin ito pinaboran ng mga market vendors na naging dahilan nang pag-atras ng kanilang plano para sa bayan. (PJF/PIA MIMAROPA)