LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA5/Albay) --- Hinimok ni Gov. Atty. Edcel Grex Lagman ang Commission on Higher Education (CHED) Bicol na isama ang basic life support training sa tertiary education curriculum sa mga kolehiyo at unibersidad ng Albay.
Kasabay ito ng isinagawang APSEMO Training on Earthquake Preparedness and Mitigation na ginanap sa APAO Negosyo Center sa Cabangan, Camalig, Albay noong nakaraang Lunes, Pebrero 20. Dinaluhan ito ng mga pinuno ng iba't ibang kolehiyo at unibersidad sa Albay.
Binigyang-diin ni Gob. Lagman na nararapat at napapanahon ang pagsasagawa ng naturang pagsasanay, lalo na tungkol sa mga pangunahing kaalaman sa cardiopulmonary resuscitation (CPR) at pagbibigay ng first aid.
"Ito ay hindi isang panukala na mamuhay sa takot at paranoia, ngunit ito ay upang [tayo ay] maging alisto, may kahandaan, at lakas ng loob,’’ pahayag ni Lagman sa katatapos pa lamang na Earthquake Preparedness and Mitigation Training Universities and Colleges sa Albay.
TRAINING | Pinangunahan ng Albay Public Safety and Emergency Management Office ang training para sa Earthquake Preparedness and Mitigation na isinagawa sa Albay Provincial Agricultural Office (APAO) Negosyo Center, Cabanggan, Camalig Albay kasama ang mga university at college heads sa lalawigan ng Albay nitong ika-16 ng Pebrero. (Photo courtesy : Apsemo Pdrrmo FB page)
Sinabi ni Lagman na ang Albay bilang nangungunang institusyon para sa mga pinakamahusay na trainings para sa disaster preparedness and mitigation ay nararapat na turuan ang mga kabataan ng mga pangunahing pagsasanay sa pagliligtas ng buhay.
Dagdag pa dito ay ang pagkakaroon ng rescuers mula sa mga unibersidad at kolehiyo sa lalawigan ng Albay.
‘’Ito ay higit pa sa kaligtasan ng buhay, bilang able-bodied na kabataan, maaari kang makapag-ligtas ng maraming buhay maliban sa iyong sarili," saad ni Lagman.
Kaya naman hiniling ni Lagman kay provincial Administrator Sheina Onrubia-Dela Cruz at Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na gumawa ng resolusyon na isama ang basic life support training sa curricula ng mga unibersidad at kolehiyo sa lalawigan.
Ang isasagawang pagsasanay na ito ay alinsunod sa Republic Act (RA) 10871, o ang ‘Basic Life Support Training in Schools Act.’
Nakapaloob sa RA 10871 na tungkulin ng pribado o pampublikong paaralan na magbigay sa mga mag aaral ng basic life support training sa pamamagitan ng paggamit ng psychomotor training na naaangkop sa kanilang edad. (Mula sa ulat ni Cristine Joy Bobiles, BU Intern- PIA5/Albay)