LUNGSOD NG LEGAZPI, Albay (PIA) -- Binigyang diin ni Dra. Lulu Ramos-Santiago, dentista ng DOH Bicol CHD, ang kahalagahan ng kaalaman ng tamang pag-aalaga ng oral health kasabay ng pagdaraos ng National Dental Health Month sa buwan ng Pebrero.
Ayon kay Ramos-Santiago, mahalaga ang malusog na oral health para makaiwas sa mga sakit dulot ng maruming bibig, ngipin at iba pa. aniya, kailangan ito para sa kabuuang kalusugan ng isang tao.
“[Ang] oral health ay fundamental siya sa lahat ng kabuuang kalusugan. Hindi mo masasabing ikaw ay healthy kung hindi maayos ang iyong oral health,” saad ni Ramos-Santiago.
“Ang oral health o ang pag-aalaga ng ngipin ay mahalaga sa anumang edad. May ngipin man o wala, mahalaga ang oral health. Ang oral health kasi ay hindi lang tungkol sa ngipin, kasama po yung nasa loob tulad ng bibig. Kung sa magahala, mahalagang-mahalaga po,” dagdag pa nito.
Nagbigay din ng paalala si Ramos-Santiago sa mga nanay na turuan na nila ang kanilang mga anak ng tamang pag-aalaga ng kanilang oral health sa murang edad pa lamang upang masiguro ang kalusugan nito.
Dagdag pa ni Ramos-Santiago na ang mga batang may edad lima pababa ay ang madalas nasa kritikal na lebel pagdating sa oral health.
Hinimok ni Ramos-Santiago ang publiko na ugaliing magsipilyo pagkatapos kumain para maiwasan ang pagkakakaroon ng bulok na ngipin at oral diseases. Nagpaalala rin ang DOH na ang pagkakaroon ng poor oral hygiene ay maaaring magdulot ng sakit tulad ng sakit sa puso, kanser, at diabetes.
Samantala, ayon pa sa ahensya, mayroong libreng serbisyong dental sa Rural Health Units sa Bicol, at bukod dito pumupunta rin sila sa mga komunidad para magbigay ng libreng serbisyo at konsulta tulad ng pagpapalinis ng ngipin, pasta or tooth restoration, at pagpapabunot ng ngipin.
Ang pagdaraos ng oral health month ay alinsunod sa Presidential Proclamation 599 - 2004 na nagdedeklara para sa buwan ng Pebrero bilang National Dental Health Month. Layunin nitong mapagtibay ang kaalaman ng publiko pagdating sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malusog na oral health. (PIA5/MBAtun/RAHizon)