No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

MDRRMO Concepcion nakamonitor sa banta ng oil spill sa Sibale Island

ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Nakabantay ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Concepcion, Romblon sa banta ng oil spill sa kanilang lugar kasunod nang paglubog ng MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro na industrial fuel oil sa karagatang sakop ng Tablas Strait noong nakalipas na Martes.

Ayon kay John Bob Ferranco, MDRRMO ng bayan, inatasan na ni acting Mayor Boyet Cipriano ang MDRRMO at Municipal Agriculture Office (MAO) para mag-ikot sa mga barangay na nakaharap sa Oriental Mindoro at paalalahanan ang mga barangay officials kaugnay nito.

Sinabi rin ni Ferranco na sa ngayon ay wala pang nakakaabot na oil spill sa kalupaan ng Sibale Island.

Nagpatrolya na rin sila sa dagat paikot ng isla para mabantayan ang galaw ng langis.

"Kanina ala-una, pumunta kami ng laot, halos 3 nautical miles ang layo dito sa amin, pero wala pa naman kaming nakita," ayon kay Ferranco kasunod ito nang ulat ng Philippine Coast Guard na nakaabot na sa katubigan ng isla ang langis mula sa lumubog na barko.

"Sa ngayon, ang hangin kasi ay papunta talaga sa Oriental Mindoro at kung hindi ito magbabago ay posibleng hindi marating ng langis ang Sibale. Kinausap na namin itong mga barangay officials na kapag may matanggap na report ng oil spill ay agad na magreport sa opisina," dagdag pa ni Ferranco.

Ang Sibale Island ay sagana sa mga yamang dagat bilang isa sa mga isla na pinakamalapit sa Verde Island Passage, ang sentro ng global shore-fish biodiversity. (PJF/PIA Mimaropa)

About the Author

Paul Jaysent Fos

Writer

Region 4B

Information Center Manager of Philippine Information Agency - Romblon

Feedback / Comment

Get in touch