Inilahad ni PCG Commandant Admiral Artemio M. Abu ang ilan sa mga pinakahuling updates patungkol sa estado ng oil spill sa lalawigan ng Oriental Mindoro. Isiniguro rin nito na magiging katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ang PCG sa muling pagsasaayos ng mga karagatan hanggang sa matapos ang kinakaharap na problema patungkol dito.
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Binisita ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, CG Admiral Artemio M. Abu kasama sina PCG Deputy Commandant for Operations, CG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr. at Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Maritime Julius A. Yano ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro kahapon Marso 8 upang ibahagi ang mga pinakahuling updates hinggil sa isinasagawang operasyon ng PCG na paglilinis sa mga coast lines na apektado ng oil spill sa lalawigan.
Ayon kay CG Admiral Abu, isisiguro ng PCG na tutulungan nito ang lalawigan ng Oriental Mindoro hanggang sa matapos ang kinakaharap na problema sa insidenteng ito.
Sa pinakahuling datos na ibinahagi ng PCG ngayong araw, nasa 76 na drums ng oil spill ang nakalap sa shoreline ng bayan ng Pola. Wala pa ring presensya ng oil spill sa mga coastlines ng bayan ng Gloria taliwas sa mga kumakalat na mga balita na mayroon ng oil spill sa naturang bayan.
Isiniguro naman ni Governor Humerlito 'Bonz' Dolor na magbibigay ng napapanahong updates ang mga ahensiya sa mga nasasakupan upang maisiguro na tama ang impormasyon na nakararating sa mga mamamayan.
Ayon naman kay DOTr Asec. Yano, masusing nakikipagtulungan ang ahensiya sa PCG upang kaagad na ma resolba ang hamon na kinakaharap ng lalawigan.
Kaugnay nito, nakatakdang simulan ang massive clean-up drive sa iba't-ibang apektadong barangay ng oil spill sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro sa Marso 10.
Pangungunahan ng mga Local Government Units (LGUs) ng mga bayan ang gawain katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Health (DOH). Ito ay bilang tugon na rin ng pamahalaan sa tumataas na kaso ng pagkakasakit ng mga residenteng nasa apektadong lugar na sa pinakahuling talaan ay umabot na sa 42 na inidbiwal.
Paalala naman ni Governor Humerlito 'Bonz' Dolor na maging maingat ang mga maglilinis ng mga oil spill sa pamamagitan ng wastong paggamit ng Personal Protective Equipment (PPEs) at ng mga face masks upang maiwasan ang mga di kanais-nais na epekto sa katawan partikular sa respiratory health ng mga indibidwal. (JJGS/PIA MIMAROPA)