Gamit ang mga tabo at timba (kaliwa) ay nakaipon sa drum at sako-sako ng langis ang tauhan ng Philippine Coast Guard sa isinagawang clean-up drive sa mga dalampasigan sa Brgy. Buhay na Tubig Pola upang matulungan ang mga residente sa paglilinis para manumbalik ang sigla ng lugar sa turismo. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Nababalutan ng makakapal na langis ang malalaking bato sa mga dalampasigan sa Barangay Buhay na Bato na kung saan ay nakakolekta ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ng dalawang drum at sako-sakong matigas na langis kung kaya hindi na maaninag dito ang ganda ng lugar pati ang maputing buhangin.
Hindi rin kaaya-aya ang simoy ng hangin sa lugar dahil sa singaw ng mga natuyong langis na kapag naamoy ay maaring maging sanhi ng respiratory illness kung kaya pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga residente sa pagsusuot ng face mask.
Samantala, patuloy pa rin ang pagbabawal sa mga mangingisda na pumalaot dahil hindi pa ligtas ang tubig dagat at kontaminado pa ito ng kumalat na langis mula sa lumubog na oil tanker habang patuloy pa rin naghihintay ang mga residente sa mga ayuda na magmumula sa mga lokal at pambansang pamahalaan. (DN/PIA MIMAROPA)