LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) -- Patuloy na isinusulong ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang iba’t-ibang programa upang wakasan ang insurhensiya.
Kabilang na riyan ang Retooled Community Support Program kung saan tinutulungan ang mga natukoy na insurgency-free barangay sa pagpapalago ng kanilang komunidad ganun din sa pamamahala at pagsasanay sa mga baranagay tanod, Council for the Protection of Children, Disaster Risk Reduction and Management Committees at maging ang mga opisyal ng barangay upang masiguro na nagagampanan nila ng maayos ang kanilang mga tungkulin.
Ayon kay DILG Regional Director Anthony Nuyda, nagsasagawa rin ng Serbisyo Caravan katuwang ang iba’t-ibang ahensya at mga lokal na pamahalaan sa mga natukoy na barangay para maipaalam at maipaabot ang mga tulong na maaari nilang mapakinabangan.
Kaugnay nito ay nagkaroon ng Support to Barangay Development Program ang pamahalaang nasyunal kung saan pinopondohan ang mga proyektong pang-kaunlaran sa natukoy na barangay tulad ng kalsada, water system at health station.
Mayroong ding Capacitating Urban Communities for Peace and Development Program ang DILG upang matiyak na napapakinggan ang mga hinaing ng mga manggagawa, mag-aaral at iba pa sektor na kailangang tulungan ng gobyerno.
Samantala, umabot sa 11 milyong pisong halaga ng tulong ang naibigay sa may kabuuang 165 indibidwal sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Layunin ng E-CLIP na tulungan ang mga rebelde na nais magbalik-loob sa pamahalaan at pamayanan, upang makapiling muli ang kanilang mga pamilya. (CLJD/RGP-PIA 3)
Ibinahagi ni Department of the Interior and Local Government Regional Director Anthony Nuyda ang mga inisyatibo ng ahensya upang wakasan ang insurhensiya. (Reia G. Pabelonia/PIA 3)