No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bagong Regional TESDA Innovation Center, pinasinayaan

LUNGSOD NG ILAGAN, Isabela (PIA) - - Pinangunahan ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Danilo Cruz ang pagpapasinaya sa bagong Regional TESDA Innovation Center at TESDA Isabela Provincial Office na matatagpuan sa Lungsod ng Ilagan.

Kasama sa aktibidad sina Deputy Director General for Operations Aniceto John Bertiz III, TESDA Region 2 Director Archie Grande, TESDA Isabela Provincial Director Vilma Cabrera, 1st District Congressman Antonio Albano at iba pang local officials ng lalawigan ng Isabela.

Sinabi ni Cruz na ang Innovation Center ay mahalaga dahil dito isasagawa ang mga pagsasanay upang mai-proseso ang mga agriculture products sa rehiyon at sa mga lalawigan bago ito mailabas para ibenta.

Aniya isa ito sa nais ng Pangulong Bongbong Marcos para magkaroon ng sapat na pagsasanay, sapat na pagkain at sapat na kita ang mga mamamayan sa pamamagitan ng innovation center.

Samantala, kanya ring pinangunahan ang pagpapasinaya sa bagong gusali para sa tanggapan ng TESDA Isabela na matatagpuan sa City Civic Center sa Lungsod ng Ilagan.

Aniya ito ang kauna-unahan sa ikalawang rehiyon na nagkaroon ng sariling gusali na kanila na mismong pag-aari. Ang naturang gusali ay nabuo sa tulong ng TESDA, mga lokal na opisyal sa lalalawigan at iba pang stakeholders.

Samantala, isinagawa rin ang groundbreaking ceremony para sa ipapatayong Incubation Center sa Isabela School of Arts and Trades o ISAT.

TESDA Director General Danilo Cruz leads the inauguration of the Regional TESDA Innovation Center and the Provincial Office building of TESDA Isabela on March 10, 2023. (Photo from TESDA II)

Nagpasalamat naman si Cabrera sa lahat ng ambag ng iba’t ibang stakeholders para mabuo ang gusali ng kanilang tanggapan kung saan malaki ang kanilang matitipid dahil sa pagkakaroon na ng sariling opisina imbes na sila ay mangupahan pa. 

Hinamon naman ni TESDA-2 Regional Director Archie Grande ang mga opisyal ng TESDA sa mga lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya na gawing salamin ang TESDA Isabela para makaron din sila ng sariling gusali at tanggapan sa mga susunod na mga taon. (OTB/MGE / PIA Isabela) 

About the Author

Merlito Edale Jr.

Writer

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch