Tumanggap ng tulong pinansiyal ang mga barangay officials at rice farmers ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya mula sa LGU at kay President Ferdinand 'Bongbong' Marcos,Jr.. PIA Photo
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Nagbigay muli ng tulong pinansiyal ang Lokal na Pamahalaan ng Dupax del Norte kamakailan sa mga barangay official at rice farmer ng nasabing bayan.
Pinangunahan ito ni Mayor Timothy Joseph Cayton, Vice Mayor Victorino Prado at mga Sangguniang Bayan (SB) member kung saan nakatanggap ng tig-P4,000 ang mga Punong Barangay, Kagawad, Secretary, Treasurer at Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson.
Nagbigay rin ng tulong–pondo ang lokal na pamahalaan na nagkakahalaga ng P75,000.00 sa Liga ng mga Barangay (LMB) upang madagdagan ang kanilang pondo para sa implementasyon ng kanilang mga programa at proyekto sa bayan.
Ayon kay Cayton, ang pondong tulong para sa mga opisyal ng kanilang 15 barangay ay nagmula kay President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na P3,000.00 at P1,000.00 naman ang ambag ng lokal na pamahalaan.
Ang pagbibigay ng civic-socio economic assistance sa mga barangay officials ay nasundan ng pagbibigay ng ayuda sa mga rice farmer mula sa lowland barangays ng bayan kung saan 749 magsasaka ang tumanggap ng P3,000.00 hanggang P9,000.00 sa bawat magsasaka na may 1 hanggang 3 ektarya.
Sinabi naman ni Prado na ang mga naibibigay na mga ayuda sa iba’t-ibang sektor ng lipunan ay bunga ng pagkakaisa at magandang samahan ng ehekutibo at lehislatibo ng lokal na pamahalaan ng Dupax del Norte.
Dagdag nito na isinusulong na rin sa SB ang panukala upang mabigyan din ng tulong ayuda ang mga vegetable farmer ng bayan. (MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)