No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DILG Bicol isinusulong ang HAPAG sa Barangay Project

LEGAZPI CITY, ALBAY(PIA/ALBAY)--- Hinikayat ng Department of Interior and Local Government (DILG) Bicol ang Albay Provincial Agriculture and Fisheries Council (PAFC) na makiisa sa Halina't Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa Barangay Project.

Layunin nito na mapataas ang kapasidad at mapanatili ang agrikultural na aktibidad tulad ng community garden sa bawat barangay o bakuran na maaaring pagtaniman at pagkunan ng pagkain.

Ang HAPAG sa Barangay Project ay nakapaloob sa pinakaunang Memorandum Circular No.2023-001 ng DILG ngayong taon na naglalayong bigyang-pansin ang pagpaparami ng produksyon ng ibat-ibang uri ng pananim na makakain at maaaring ihain sa hapag ng bawat pamilya.


PAGPUPULONG | Ipinaliwanag ng Department of Interior and Local Government (DILG) Bicol sa mga miyembro ng Albay Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) full council meeting ang obheto ng HAPAG sa barangay project nitong ika-9 ng Marso 2023. (Photo courtesy of Clarisse Gabriel)

Ayon kay DILG Regional Focal Person on HAPAG Project Jute Baldebina, mahalagang maipatupad ang proyektong ito dahil nakadepende sa agrikultura ang ekonomiya ng bansa.

"Kung sakaling magkaroon ng problema sa agrikultura ang pinakaunang naaapektuhan ay ang mga magsasaka kasunod ng seguridad ng pagkain ng bansa kaya upang maiwasan ito inilatag ang HAPAG sa Barangay Project," saad ni Baldebina.

Aniya, ito rin ay bahagi ng estratehiya ng gobyerno upang maiwasan ang kakulangan ng pagkain sa lalawigan o bansa.

Hakbang ng HAPAG project

"Hinihikayat ng HAPAG sa Barangay Project na gumamit ng iba't-ibang paraan ng pagtatanim kung walang bakanteng lupa sa inyong bakuran,’’ saad ni Baldebina.

Isa sa mga paraan nito ay ang vertical gardening kung saan inilalagay sa ding ding o rooftop ang mga pananim.

Mayroon din na square foot gardening na maaaring gawin sa maliit lamang na lugar.

Dagdag pa dito ay ang hydroponics kung saan hindi nangangailangan ng lupa kundi tubig lang ang ginagamit para mabuhay ang pananim.

‘’Syempre pwede din ang container gardening na ilalagay sa mga hindi na ginagamit na container at pwede sa loob ng bahay," saad ni Baldebina.

HAPAG | Inilunsad ang HAPAG sa Barangay Project sa Buraguis Legazpi City kasama ang mga personahe mula sa DILG nitong ika-1 ng Marso 2023, makikita sa larawan ang pamamaraan ng pagtatanim na hydroponics. (Photo courtesy of Amelita Tamayo Barizo)

Samantala, upang maipatupad ang proyekto sa barangay ay kinakailangan na mayroong 200 sqm na bakanteng lote bilang taniman ng gulay, prutas, kawayan o mga halamang ugat dagdag ni Baldebina.

"Kung walang ganitong kalaking lupa maaari rin ang ilang kapirasong magkakahiwalay na lupa basta sakop ng barangay at may sukat na 200 sqm pag binuo. Hinihikayat din namin ang pakikipag usap sa mga pribadong sektor na nagmamay-ari ng lupa na hindi ginagamit at maaaring taniman ng gulay at prutas ng barangay," saad ni Baldebina.

Aniya, kinakailangan din na magkaroon ng Barangay Nutrition Committee at Barangay Nutrition Action Plan na isasama sa Barangay Development Plan upang ito ay mabigyan ng pondo.

Kailangan rin ang tulong ng mga miyembro ng sangguniang barangay na itatalaga upang bantayan ang  community garden.

"Mayroon din responsibilidad ang mga lokal na pamahalaan na bigyan ng teknikal at pinansyal na suporta ang mga barangay sa pamamagitan ng maayos at epektibong koordinasyon na pagpaplano," ayon kay Baldebina.

Dagdag din niya na mayroon ng inilatag na performance indicator sa mga barangay para malaman kung na ipapatupad ba ng maayos ang proyekto.

"Kung kaya ang naisip na isa sa mga hakbang upang ito ay matugunan ay ang pagtibayin ang plano ng mga barangay sa community garden at hikayatin ang bawat mamamayan na magtanim at magkaroon ng sarili nilang taniman ng prutas o gulay sa kanilang bakuran," saad ni Baldebina.

Dagdag pa niya, isa sa mga nais isulong ng gobyerno sa buong bansa ay ang maginhawang pamumuhay kung saan walang mahirap at walang nagugutom.

Ang nasabing proyekto ay inaasahang makatutulong sa pagpapababa ng poverty index ng Pilipinas.

Hangad rin ng DILG ang kooperasyon ng sektor sa agrikultura, at mga residente ng barangay upang maging matagumpay at maisakatuparan ang layunin ng HAPAG sa Barangay Project. (Mula sa ulat ni Judith Valenzuela, BU intern-PIA5/Albay)

About the Author

Cyryl Montales

Writer PIA/Albay

Region 5

Amor Fati

Feedback / Comment

Get in touch