LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Tinututukan ng 84th Infantry Battalion o 84th IB ng Philippine Army ang pagbabantay sa mga infrastructure at investment projects ng pamahalaan.
Iniulat ni 84th IB Commander Lieutenant Colonel Enrico Gil Ileto sa kamakailang pagpupulong ng iba’t ibang konseho sa Nueva Ecija na kabilang sa mga gampanin ng hanay ang pagtitiyak ng seguridad sa mga itinatayo pa lamang at nariyan ng mga proyekto ng pamahalaan sa mga nasasakupang lugar sa Nueva Ecija, Nueva Vizcaya at Pangasinan.
Nakapaloob ito sa Critical Infrastructure, Investment Protection and Security Operation o CIIPSO katuwang ang iba’t ibang sangay ng gobyerno nasyonal, kapulisan, lokal na pamahalaan at pribadong tanggapan.
Kasama sa mga binabantayan ng mga kasundaluhan ng 84th IB ang mga malalaking proyekto tulad ang itinatayong Balbalungao Earthfill Dam sa bayan ng Lupao, Central Luzon Link Expressway sa bahagi ng Aliaga, at ang Casecnan Multi-Purpose Irrigation and Power Project sa Pantabangan na matatagpuan lahat sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Gayundin ang access road ng National Irrigation Administration mula sa lungsod ng Cabanatuan hanggang bayan ng Santa Rosa, hanging bridge sa Picaleon, General Mamerto Natividad, at national highway mula Guimba hanggang Quezon.
Binanggit din ni Ileto na tinututukan ng hanay ang mga proyekto sa mga malalayong lugar tulad ang farm to market road at bridge repair sa Barangay Burgos at Capintalan sa bayan ng Carranglan, ang inaayos na daan sa mga Barangay Inanama, Casile at San Felipe sa bayan ng Llanera at marami pang iba.
Sakop din ng pagbabantay seguridad ng 84th IB ang Mini Hydro Electric Power Plant sa San Quintin, Pangasinan at ang mga road widening projects sa Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.
Ang CIIPSO ay hakbang at pamamaraan ng pamahalaan upang makaiwas sa extortion activities at anumang masamang balakin ng mga teroristang grupo sa mga inilulunsad na mga programa at proyektong mahalaga sa ikauunlad ng mga komunidad. (CLJD/CCN-PIA 3)
Si 84th Infantry Battalion Commander Lieutenant Colonel Enrico Gil Ileto. (PIA 3 File Photo)