STA. MARIA, Bulacan (PIA) -- Humigit kumulang isang libong residente ng Sta. Maria, Bulacan ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.
Ang pamamahagi ay pinangasiwaan mismo nina Senador Bong Go at kinatawan Salvador Pleyto ng ika-anim na distrito ng Bulacan.
Ayon kay DSWD Bulacan Provincial Link Josefina David, ang AICS ay nagsisilbing safety net o isang stop-gap na mekanismo upang suportahan ang pag-ahon ng isang indibidwal mula sa hindi inaasahang krisis gaya ng sunog, pagkakasakit o pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, kalamidad at iba pang sitwasyon.
Tatlong libong piso ang natanggap ng bawat benepisyaryo na binubuo ng mga buntis, byuda o byudo, single parent, may kapansanan at iba pang indibidwal na nakararanas ng krisis sa buhay.
Bukod dito, nagkaloob din ang tanggapan ni Go ng ng mga relief food pack, vitamins, at face mask sa mga benepisyaryo.
Nagbigay din ang Senador ng bola at celpon sa mga kabataan. (CLJD/VFC-PIA 3)
Pinangasiwaan ni Senador Bong Go ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations at relief food packs sa Sta. Maria, Bulacan. (Rodel Zuñiga/PIA 3)