No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

4 na indibidwal, 2 grupong kababaihan sa Bulacan kinilala

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Pinagkalooban ng Gawad Medalyang Ginto ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang apat na indibidwal at dalawang grupong kababaihan.
 
Sila ay sina Gladys Sta. Rita para sa kategoryang Natatanging Babae, Mariel Lyn Biason sa kategoryang Matagumpay na Mangangalakal, Esterlita San Miguel sa kategoryang Matagumpay na Babaeng Makakalikasan, Mary Jane Dela Isla sa kategoryang Matagumpay na Babae sa Makabagong Pagnenegosyo, ang Konsehong Pambayan para sa Kababaihan o KPK ng Norzaragay at ang Soroptimist International-Plaridel Chapter.
 
Para kay Gobernador Daniel R. Fernando, pinapatunayan ng muling pagdadaos ng Gawad Medalyang Ginto na ganap nang nakakabangon ang maraming sektor sa Bulacan mula sa pandemya.
 
Kaya’t lalo aniyang nagninining ang tagumpay ng mga kababaihang Bulakenya na simbulo ng kagalingan ng Bulacan.
 
Kinilala ang tubong Calumpit at ngayo’y naninirahan na sa bayan ng Marilao na si Sta. Rita dahil sa paghirang sa kanya ni dating Pangulong Benigno Aquino III bilang kauna-unahang babaeng pangulo ng National Power Corporation mula taong 2013 hanggang 2016.
 
Naging direktor din siya ng Philippine National Oil Company at provincial administrator ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan mula 1992 hanggang 2008.
 
Sa kabilang banda, pinarangalan ang taga Norzagaray na si Biason dahil sa pagiging  milyonarya sa edad na 20.
 
Mula sa taunang kita na 100 libong piso, lumakas at lumago sa milyong mga halaga ang kita at mga ari-arian dahil sa mabilis na diversification ng mga negosyo gaya ng Murayta Ceramic Trading, Calixta Aesthetic and Wellness Center, Gab Pigmentation at ang All About Kitchen.
 
Samantala, nagsilbing kabuhayan ng mga taga nayon ang Organikong Gulayan na itinatag ng tubong Marilao na si San Miguel.
 
Nakatulong din ito upang hindi umasa sa mataas na presyo ng gulay na itinitinda sa mga palengke.
 
Mula sa paglalako ng mga kakanin, umasensyo si Dela Isla ng Plaridel na ngayo’y gumagawa na ng mga handicrafts na pumatok sa kabila ng pandemya.
 
Matagumpay din siyang nakapagpatubo ng mga ubas sa pamamagitan ng makabagong paraan ng urban gardening.
 
Nakadagdag ito upang lumaki ang kanyang kita na pangunahin ikinabubuhay na ng kanyang pamilya.
  
Naging aktibo naman ang KPK ng Norzagaray upang isulong ang epektibong pagkakaloob ng serbisyong panlipunan sa mga pinaka karaniwang mamamayan ng bayan.
 
Gayundin ang paglahok sa mga participatory budgeting strategy upang matiyak na nailalaan sa mga prayoridad na proyektong pambayan ang pondo ng pamahalaan.
 
Kinilala rin ang naging malaking papel ng Soroptimist International ng Plaridel sa isinagawang malawakang pagbabakuna at booster shots laban sa COVID-19.
 
Ang Gawad Medalyang Ginto ang pinakamataas na karangalan na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan para sa mga modelong Bulakenya.
 
Ito ay taunang inoorganisa ng Panlalawigang Komisyon para sa mga Kababaihan ng Bulacan tuwing Buwan ng mga Kababaihan. (CLJD/SFV-PIA 3)

Pinagkalooban ng Gawad Medalyang Ginto ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang apat na indibidwal at dalawang grupong kababaihan. (Bulacan PPAO)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch