No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

150 PPEs, ipinagkaloob ng USAID para sa mga naapektuhan ng oil spill

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Nagkaloob ang United States Agency International Development (USAID) ng 150 set ng mga personal protective equipment (PPE) sa pamahalaang panlalawigan para ipamahagi sa 10 Local Government Unit (LGU) na naapektuhan ang mga baybayin dahil sa tumagas na kargang langis mula sa lumubog na oil tanker na M/T Princess Empress noong Pebrero 28 sa karagatan na bahagi ng Naujan.

Pinamunuan ni USAID Mission Director Ryan Washburn ang pagkakaloob ng mga nasabing kagamitan kay Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor na siyang mamamahagi sa mga LGU at ang unang nabiyayaan nito ay ang pamahalaang lungsod ng Calapan na kung saan tinanggap ni Mayor Marilou Flores-Morillo ang unang pangkat ng mga PPE. Ayon kay Washburn, masusundan pa ang pamimigay ng PPE sa mga susunod na araw.

Nasa 150 PPE ang ipinagkaloob ng grupong U.S. Agency International Development (USAID) na naka base sa Manila sa pamahalaang panlalawigan na siyang ipamamahagi sa 10 LGU na naapektuhan ng oil spill. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Sinabi pa ni Washburn na naglaan din sila ng P10-M para sa Cash-for-Work Program sa isang miyembro ng pamilya na ibibilang sa clean-up drive na ang pamahalaang panlalawigan pa rin ang siyang mangangasiwa dito.

Ang isang set ng PPE ay naglalaman ng cover-all, bota, gloves, goggle, sabon at iba pa na nakalaan sa mga first responders na nagsasagawa ng paglilinis sa mga baybayin ng lalawigan upang maging ligtas at maayos ang kanilang pagtatrabaho.

Ang ayudang ipinamigay ay sa pamamagitan ng INSPIRE Project Conservation Emergency Fund na pinondohan ng USAID at Gerry Roxas Foundation, katuwang ang ABS-CBN Foundation, Inc., Lingkod-Kapamilya at ABS-CBN Bantay Kalikasan.

Samantala, sa huling ulat ni Gob. Dolor ay nasa 20,932 pamilya mula sa bayan ng Naujan hanggang Bulalacao o katumbas na 102,000 na indibidwal ang opisyal na naitala ng pamahalaang panlalawigan ang naapektuhan ng naturang insidente. Posible anya na tumataas pa ang bilang nito dahil sa kasalukuyang estado ng kumakalat na langis.

Nag-ulat din si City Administrator Atty. Reymund Al Ussam na nasa 3,372 rehistradong mangingisda mula sa 23 coastal barangay ng lungsod ang apektado at maari pa din anyang tumaas ang bilang sakali dalhin ng hangin ang mga katas ng langis patungong hilagang bahagi at sa Verde Island Passage.

Patuloy pa rin ang panawagan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko na bawal pa din ang mangingisda sa laot gayundin ang paliligo sa mga dalampasigan at inumin ang tubig na makukuha malapit sa mga apektadong barangay. (DN/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch