LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Binuksan ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamagitan ng Ministry of Trade, Investment and Tourism (MTIT) ang isang buwang Ramadhan Trade Fair bilang isa sa mga tampok na aktibidad ngayong buwan ng pag-aayuno dito sa lungsod ng Cotabato.
Ang selebrasyon ngayong taon ay naka sentro sa temang “Ramadhan brings people together towards love, peace, and unity” na layong isulong ang diwa ng pagkakaisa at pagsasama-sama ng bawat Bangsamoro sa panahon ng pag-aayuno.
Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang tanggapan sa BARMM at trade-fair enthusiasts, ang isang buwang expo ay magsisilbing daan sa mga Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) na ipakita at ibenta ang kanilang mga produkto.
Nakilahok din sa nasabing aktibidad ang iba pang mga lokal na negosyante sa lungsod na nagpapakita ng mga tradisyunal na pagkain at non-food items.
Sa kanyang naging pahayag, sinabi ni MTIT Minister Abuamri Taddik na ang pagbubukas ng Ramadhan Trade Fair ay magiging daan upang matulungan ang mga maliliit na negosyante na ipamalas ang kanilang mga halal na produkto at iba pang mga serbisyo.
Ayon pa kay Taddik, bukod sa pag-aayuno, ang buwan ng Ramadhan ay panahon din aniya upang magdasal, tumulong lalo na sa mga kapus-palad, at maglaan ng oras kasama ang mga mahal sa buhay.
Samantala, kabilang din sa trade fair ang ‘MAFARamadhan’ na pinapangunahan ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR). Ito may magsisilbing daan para naman sa mga nagbebenta ng mga produktong pang agrikultura. (With reports from Bangsamoro Government).