No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Barangay Health Governance Body, itinatag sa mga barangay para sa programang pangkalusugan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Magkatuwang na itinatag ng Department of Health (DOH) Mimaropa at mga lokal na barangay sa lungsod na ito ang Barangay Health Governance Body (BHGB) para sa mga programang pangkalusugan na ibinaba sa barangay kaagapay ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Health and Sanitation Department.

Isa ang Barangay Bayanan 2 sa lungsod na nagsagawa ng Barangay Health Nutrition Meeting kamakailan na dinaluhan ng kinatawan ng DOH-Mimaropa at Human Resource for Health (HRH) na si Rownilyn Cruzat at ipinaliwang ang tungkol sa nasabing programa at sa pagbubuo ng isang Barangay Health Board (BHB). Kabilang din si Ma. Virginia Garcia ang Barangay Chairperson, kagawad na nangangasiwa sa komite ng kalusugan sa barangay, mga Barangay Nutrition Scholars (BNS), Barangay Health Workers (BHW), at mula sa apat na sektor ng lipunan ang Senior Citizens, Persons with Disability, Single Parents at mga magsasaka.

Ayon kay Cruzat, ang BHB ang siyang magtataguyod para sa tiyak na paglalahad ng mga payak na serbisyong pangkalusugan sa mga barangay at ang pakikilahok ng mga sektor sa pagbuo ng isang malusog na barangay.

Sa pagbaba anya ng Local Government Code, maraming serbisyong panlipunan ang kinakailangang tutukan ng mga lokal na pamahalaan. Isa na rito ang pagpapatupad ng serbisyo sa kalusugan na siyang nangangailangan ng mas matibay na politikal na saloobin ng mga lokal na namumuno at teknikal na kaalaman ng mga manggagawang pangkalusugan.

Sa ganitong paraan ay mabubuo sa pagbabalangkas ang mga Local Health Boards mula sa mga lokal na pamahalaan na ang sunod na bubuuin ay ang BHB sa mga barangay.

Samantala, ilan sa mga tungkulin ng BHGB ay ang mga sumusunod; Itaguyod ang isang malakas na lokal na pamumuno na siyang magsusulong ng kalusugan ng barangay. Pasiglahin ang pakikilahok ng mga nasa sektor ng lipunan sa pagkamit ng kalusugan sa komunidad, mangangasiwa ng mga isyu at kaganapang pangkalusugan sa barangay mula pagsusuri, pagpaplano, pagpapatupad, pamamahala, pagsisiyasat, at marami pang iba.

Ipinapaliwanag ni Rownilyn Cruzat (kaliwa) ng DOH-Mimaropa ang mga halimbawang nilalaman ng Barangay Health System Technical Roadmap kung ano ang mga napagtagumpayang programa gayundin ang mga dapat pang gawin ng mga sektor para sa malusog na mga mamamayan ng barangay habang nakikinig si Bayanan 2 Barangay Chairperson Ma. Virginia ‘Marivic’ Garcia. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Iprinisinta din ni Cruzat ang Barangay Health System Technical Roadmap na siyang magiging gabay at sistematikong pamamaraan para sa maayos na pamamahala ng barangay sa larangan ng kalusugan. (DN/PIA MIMAROPA)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch