LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Nasa full capacity na ang ilang beach sa lalawigan ng Pangasinan ngayong ginugunita ang Semana Santa at may long weekend, base ito sa monitoring na isinasagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Sinabi ng PDRRMO na umabot na sa maximum capacity ang Tondol White Sand Beach sa bayan ng Anda alas-siete pa lamang ng umaga nitong Linggo.
Sinabi ng Anda Tourism Office na puno rin ang mga cottage at bamboo shed.
Fully booked na rin ang mga accommodation sa Tondol White Sand Beach hanggang Lunes dahil sa dami ng mga bisita.
Dahil punong-puno ng beachgoers ang beach sa Bolinao, iminungkahi ng tourism office sa mga papasok na turista at bisita na bisitahin ang iba pang tourist attraction sa bayan tulad ng mga kweba, rock formations, at ang Bolinao falls.
Ang Patar public beach sa Bolinao ay umabot na rin sa maximum capacity bandang alas nuebe nitong Linggo.
Sinabi ng PDRRMO na halos puno rin ng beachgoers ang mga beach sa Agno, Alaminos City, Bani, Binmaley, Burgos, Dagupan City, Dasol, Infanta, Labrador, Lingayen, San Fabian, at Sual.
Dinarayo rin ang ibang tourist spots na maaaring mag-swimming gaya ng Balincaguing River sa Mabini, Pacalat River sa Mangatarem, Maranum Falls sa Natividad, at Puyao River sa San Nicolas.
Samantala, pinaalalahanan ng PDRRMO ang mga turista na maging responsable sa pagtatapon ng kanilang mga basura at panatilihing malinis ang mga tourist spot dito sa lalawigan.
Ayon kay PDRRMO operations head Vincent Jun Chiu, “Ang pakiusap lang po namin, alagaan po natin ito. Huwag po natin silang hayaan na masira. ‘Yong simpleng pagtatapon po ng basura, sana po huwag iwanan sa ating mga tourist area.”
Base umano sa daily garbage collection ng PDRRMO, sa Lingayen Capitol Beach pa lamang ay tumi-triple na ang dami ng basurang naiiwan tuwing may holiday.
“Nakikiusap din po sana kami na tulungan nyo rin po kami na panatilihin po nating malinis ‘yong ating mga tourist spots lalong lalo na po ‘yong ating mga basura na sana po ay maiuwi natin o maitapon po natin ito sa tamang lugar para mabawasan po natin ‘yong ating problema o pakikipaglaban sa climate change,” ani Chiu sa panayam ng Philippine Information Agency-Pangasinan. (JCR/AMB/PIA Pangasinan)