No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

CARAA 2023, gaganapin sa Baguio City sa April 29-May 1

Coordination meeting bilang paghahanda sa CARAA 2023. (Photo: DepEd-CAR)

BAGUIO CITY (PIA) -- Pinaghahandaan ng Department of Education - Cordillera (DepEd-CAR) katuwang ang DepEd - Baguio City Schools Division Office at pamahalaang panlungsod ng Baguio ang nalalapit na 2023 Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet.
 
Magbabalik ang naturang regional event mula April 29 hanggang May 1 matapos ang tatlong taon na pagkaudlot nito dahil sa COVID-19 pandemic. Ang Baguio City sana ang host sa CARAA 2020 ngunit nakansela dahil sa pagputok ng pandemya.

Nitong Miyerkules (April 12) ay nagkaroon ng coordination meeting sa pagitan ng DepEd-CAR at mga kinauukulang tanggapan bilang paghahanda sa nasabing sporting event at upang masiguro na masusunod ang mga polisiya kaugnay nito.
 
Una nang inihayag ni DepEd-CAR Chief Education Supervisor Edgar Madlaing na may pagbabago sa pagsasagawa ng CARAA Meet alinsunod sa DepEd Memorandum No. 005, series 2023.
 
Nakasaad sa kautusan na sa school level o sa mga intramurals, lahat ng mga learners ay dapat sumali sa mga sports events. Ang mga mapipiling manlalaro ang sasabak sa district meet o provincial meet.

Ayon kay Madlaing, pagdating sa provincial meet ay mga partikular na laro na lamang ang tututukan. "Ibig sabihin, those sport events that we are strong with, 'yun ang pipiliin natin na aakyat doon sa regional meet o CARAA Meet ... Kung anong laro tayo malakas, 'yun ang pipiliin natin na aakyat sa Palarong Pambansa," aniya.
 
Kabilang sa mga focused sports na gagawin sa CARAA Meet ay ang arnis, archery, athletics, billiards, boxing, chess, futsal, gymnastics, taekwondo, kyorugi, poomsae, tennis, wrestling, wushu at swimming sa sekondarya habang arnis, athletics, chess, gymnastics, taekwondo, kyurogi, pomsae, tennis, at swimming sa elementarya.

Si DepEd-CAR Chief Education Supervisor Edgar Madlaing sa ginanap na Kapihan sa Baguio kamakailan.

Sinabi ni  Madlaing  na  ang naging basehan nila sa pagpili sa mga naturang sports ay ang naging performance ng rehiyon sa Palarong Pambansa sa nakaraang tatlong taon.
 
Paliwanag nito, focused sports ang gagawin dahil nagrerekober pa rin ang bansa mula sa pandemya, dahil sa learning recovery sa hanay ng edukasyon, at dahil sa limitadong pondo na inilaan para sa regional meet ngayong taon.
 
Ang mga mananalo sa CARAA 2023 ang kakatawan sa Cordillera at sasabak sa 2023 Palarong Pambansa na gaganapin naman sa July 29 hanggang August 5, 2023 sa Marikina City. (DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch