Binigyang diin din ng kumander na ang mga ginagawang halimbawa o senaryo sa mga pagsasanay sa pagitan ng US at Philippine Army ay walang tinatarget na sinumang kalaban bagkus ay paghahanda para sa lahat ng uri ng banta na maaaring dumating sa Pilipinas tulad ng mga kalamidad o pangyayaring gawa ng tao.
Ang Balikatan Exercise aniya ay hindi lamang nakatutok sa mga pagsasanay kontra sa mga kalabang may armas kundi lalong mapaunlad ang kaalaman at kahandaang pagresponde sa iba’t ibang uri ng sakuna.
Bago nagsimula ang Balikatan Exercise ay naunang idinaos ang SALAKNIB Exercise sa pagitan pa rin ng Philippine at US Army nitong Marso na ipagpapatuloy sa darating na Mayo.
Sinabi ni Brawner na ang lahat ng mga programa at aktibidad sa ilalim ng mga nabanggit na pagsasanay ay nakalinya sa mga bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ingatan at ipagtanggol ang buong teritoryong ng bansa na kung saan walang mawawala o ibibigay kahit maliit na pirasong pag-aari ng Pilipinas.
Ayon naman kay Flynn, ang lahat ng mga pagsasanay na ginagawa ng mga kasundaluhan ng dalawang bansa ay bahagi ng kasunduan at pagkakaisa tungo sa pagkakaroon ng mapayapa, ligtas at bukas na Indo-Pacific Region. (CLJD/CCN-PIA 3)
Idinaos sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ang live fire exercise ng Javelin Anti-Tank Weapon System bilang bahagi ng Balikatan Exercise ngayong taon. (7th Infantry Division)