No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Labor Force Survey ng Pebrero 2023 nagpakita ng pagbuti sa sitwasyon ng empleo – DOLE

LUNGSOD QUEZON, (PIA) –Ikinatuwa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang resulta ng Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority para sa Pebrero 2023 na nagpapakita sa kasalukuyang sitwasyon ng merkado sa paggawa kung saan ito ay nakakabawi na at patuloy na pagbuti sa sitwasyon ng empleo ng bansa.

Sa pahayag ng DOLE, may participation rate na 66.6 porsyento o 51.27 milyon ang mga Pilipinong sumasali sa labor force base sa Labor Force Survey na isinagawa noong Pebrero 2023. Ang nasabing bilang ay mas mataas ng 2.67 milyon kumpara sa labor force participation sa parehong panahon noong nakaraang taon, at 1.548 milyon na mas mataas sa naiulat na labor force participation noong nakaraang buwan, dagdag ng DOLE.

Iniulat ng DOLE na mayroon ding pagtaas sa employment rate ng bansa ng 1.6 percentage points o mula 93.6 porsyento noong Pebrero 2022 hanggang 95.2 porsiyento noong Pebrero 2023. Nangangahulugan ito na 48.8 milyong Pilipino ang mayroong trabaho.

Iniuugnay ng DOLE ang pagtaas ng empleo sa pagpapalawak ng trabaho sa wholesale and retail trade (repair of motor vehicles and motorcycles) (+701,000 o 6.96%); accommodation and food service activities (+580,000 o 34.8%); agriculture and forestry (+554,000 o 5.76%); at iba pang service activities (+362,000 o 13.83%); at fishing and aquaculture (+340,000 o 27.45%).

Nakitaan naman ng pagbaba ang  unemployment incidence o bilang ng manggagawang walang trabaho sa year-on-year comparison, mula 6.4 porsiyento ng Pebrero 2022 hanggang 4.8 porsyento ng Pebrero 2023.

Pareho din ang naobserbahan sa mga kabataang walang trabaho na nag-ulat ng pagbaba ng 5.2 percentage points o mula 14.3 porsiyento ng Pebrero 2022 hanggang 9.1 porsiyento ng Pebrero 2023.

Bukod dito, bumaba rin ang underemployment rate ng 1.1 percentage points, mula 14% noong Pebrero 2022 hanggang 12.9% ngayong taon.

Sa gitna ng tuluy-tuloy na momentum na ito, patuloy na iniaayon ng labor department ang mga inisyatiba, implementasyon, at mga polisiya nito sa pambansa at sektoral na mga plano habang kinikilala ang kasalukuyan at umuusbong na mga hamon sa merkado ng paggawa.

Isa sa mga ito ay ang pagtatapos sa ginawang regional consultation ng Kagawaran para sa pagsasa-pinal ng Labor and Employment Plan 2023-2028, na alinsunod sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng Pangulo.

Patuloy ding nakikipagtulungan ang Kagawaran sa mga pribadong sektor at mga asosasyon ng industriya sa paghahatid ng mga oportunidad sa pagpapalakas ng kanilang mga manggagawa upang magarantiyahan ang kakayahan at kasanayan ng mga manggagawa at pangangalaga sa trabaho.

Binibigyang-prayoridad din nito ang pagbibigay ng kasanayan sa mga manggagawa, lalo na ang mga bagong pasok sa lakas-paggawa, upang mapataas ang kanilang kakayahan at oportunidad na makapag-trabaho. (dole/pia-ncr)


About the Author

Susan De Leon

Assistant Regional Head

NCR

IO 3

Feedback / Comment

Get in touch