No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Paghahanda sa epekto ng El Niño, inutos ni Pangulong Marcos

QUEZON CITY, (PIA) -- Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na paghandaang mabuti ang masamang epektong dulot ng El Niño.

Sa isang press briefing para sa Malacañang Press Corps noong April 18, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na nagbigay ang Pangulo ng malinaw na utos na palakasin ang paghahanda sa inaasahang masamang epekto ng El Niño. Katulad aniya ng Department of Health na nararapat paghandaan ang mga sakit na madalas dumarating tuwing may kakulangan ng ulan.

Dagdag pa ni Nepomuceno, “Pangalawa naman yung paghahanda sa kakulangan ng tubig. Ini-utos niya na dapat magkaroon tayo ng public awareness campaign immediately. Simulan dapat ng government agencies, institutions, including mga public institutions like schools, na magtipid na agad ng tubig bago pa lumala ang problema natin na inaasahan, according to PAG ASA, nararamdaman na ngayon ‘yan pero maaring mas lumala pa sa last quarter of the year or early next year. Ang water conservation, inuutos niya yan at health preparations at ang energy conservation.”

Kinumpirma naman ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Deputy Administrator Esperanza Cayanan na sa ngayon ay nasa El Niño watch ang bansa. Aniya pa, “Nasa watch advisory po tayo ngayon. Unang level ng El Niño warning system, dito ay merong above 55% probability na may El Niño for the next six months. Ang posibleng impacts nito in some areas of the country ay yung drought o dry spell but this will be felt towards the last quarter.”

Sa kabila nito, ipinaliwanag ni Cayanan na may bagong release na forecast na nagpapakitang tumataas na ang probability ng occurrence ng El Niño. Tumaas aniya ito sa 80% ngayong Hunyo, Hulyo, at Agosto. Tumaas din ang probability sa 86% sa mga buwan ng Nobyembre, Disyembre, at Enero (2024).

Dagdag pa niya, “From El Niño watch, from next month, May, we will be issuing the second level which is El Niño alert kung saan meron tayong above 70% of probability of El Niño occurrence for the next two months.”

Tiniyak naman ni National Irrigation Administration Acting Administrator Engineer Eduardo Guillen na mayroon silang nakahandang short, medium at long term solution para sa El Niño. 

Aniya, “Matagal na itong pinaghahandaan ng NIA. Meron kaming cropping calendar kung saan pinaplano namin kung ilan ba talaga ang mapapatubigan dito. Pina-prioritize ang mga area na malapit sa source para sa rice planting and ang plano ngayon para mabawi ang kakulangan doon sa area na matataniman, kapag dry season ay mag-co-concentrate kami sa hybrid rice kasi times two ang output nito kapag dry season. And then yung sa mas malayo sa source concentrate kami sa high value crops”

Mayroon aniya silang direktang koneksyon sa mga magsasaka at alam ng NIA ang eksaktong mga lugar na tataniman pati na rin ang mga pangangailangan ng mga magsasaka.

Dagdag niya, “Ang gusto ng Pangulo natin ay maparating sa ating mga farmers ang tama at napapanahon na assistance.”

Pagdating naman aniya sa long term solution, ang problema naman ay kung paano ma-manage ang water resources.

“Ang gusto ng pangulo natin ay convergence effort. Paradigm shift sabi nga ng ating Pangulo. Paradigm shift tayo from flood control to water management kasi ang pinakamabisang flood control project is water management,” paliwanag pa ni Guillen. Kapag nagtutulungan aniya ang mga ahensya ng gobyerno ay mas maraming magagawa.

Iminumungkahi naman ni Deputy Administrator Cayanan na magtipid sa paggamit ng tubig. Dadaan pa naman aniya ang tag-ulan.

“Kasi sa nakikita natin ang pinaka-impact nito ay towards the last quarter and yung magiging serious na impact nito ay first quarter hanggang tag-init next year. Kaya habang may ulan tayo ngayon, mag-conserve tayo at lahat tayo, ayusin natin ang paggamit ng tubig,” paghihikayat pa ni Cayanan.

Ipinaliwanag naman ni Undersecretary Nepomuceno ang mga kautusan ni Pangulong Marcos para sa paghahanda sa El Niño. Mayroon umanong dalawang malinaw na utos ang Pangulo.

“Una, pinasigurado sa amin ang whole of nation approach through the mechanism of NDRRMC. He instructed to form an El Niño team immediately. So the concerned government agencies who will handle the response and mitigation activities will be immediately formed. Ang mga concerned mag-uusap-usap at iisa ang aksyon para maiwasan ang paglala ng El Niño. Ang susi dito ay maagang paghahanda. Pangalawa sa instruction niya ay siguraduhing may long term processes na magiging protocol-based at scientific. Malaki ang gagampanan ng DOST at PAGASA para ang ating gagawing aksyon ay may basehan na scientific.”

Para naman sa paghahanda sa Metro Manila, sinabi niyang pinag-uusapan ngayon ang tungkol sa sharing of water resources o ang pagbibigay ng additional na supply ng tubig mula sa isang concessionaire patungo sa isa pa.

Panghuli umano ay tungkol naman sa mga imprastraktura na may kinalaman sa pagpapadami ng reserbang tubig. Nais aniya ng Pangulo na tingnan kung alin ang dapat bigyan ng prayoridad.

Sa panig naman ni Engineer Guillen ng NIA, may mga programa aniya sila na water pump distribution.

“Sa convergence effort, may fund ang DPWH sa solar pump. Sinasamantala namin ito para ma-fast track ang mga construction ng kanal at project para may income pa rin ang farmers. May programa na rin kaming  convergence with DOLE katulad ng TUPAD. Ang key dyan, distribution ng needs ng farmers, yung pag-identify ng need nila,” paliwanag ni Guillen.

About the Author

Andrea Bancud

Writer

Information II from the Creative Production Services Division of PIA Central Office who also writes scripts for IEC materials such as AVP, TV Commercial, Radio Commercial and print materials. 

Feedback / Comment

Get in touch