Isinagawa ng LGU ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang 'Lechonan sa Bayan' bilang bahagi ng ika-292nd Founding Anniversary nito. Dinaluhan ito ni Senator Francis Tolentino. PIA Photo
DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya (PIA) - - Isinagawa ng Local Government Unit (LGU) ng bayan ang ika-apat na taong ‘Lechonan sa Bayan’ bilang bahagi ng ika-292nd na Founding Anniversary celebration nito.
Ayon kay Mayor Timothy Joseph Cayton, ang isinagawang ‘Lechonan sa Bayan’ ay simbolo ng progreso ng bayan, pagkakakaisa at pagpapakita ng pagtutulungan ng mga mamamayan at LGU officials matapos malagpasan ang negatibong epekto ng COVID-19 Pandemic.
“Bagama’t natigil ang taunang pagsasagawa nito dahil sa COVID-19 Pandemic, ipagpapatuloy namin itong muli bilang bahagi ng selebrasyon ng aming kapistahan,” pahayag ni Cayton.
Mahigit walumpung ‘lechon’ ang pinagsaluhan ng mga mamamayan mula sa labing limang barangay ng bayan, kabilang ang iba’t-ibang civil society organizations nito na dumalo sa nasabing okasyon.
Dinaluhan din ito ni Senator Francis Tolentino bilang panauhing pandangal kung saan tumanggap siya ng pormal na adoption rites bilang isang respetadong ‘Dupajeno’ ng bayan.
Sa mensahe nito, pinuri ni Tolentino ang mga opisyal at mamamayan ng Dupax del Norte dahil sa pagsusumikap at pagpupumilit nilang tumayo matapos ang hagupit ng COVID-19 Pandemic.
Ayon kay Tolentino, isa itong magandang halimbawa sa mga LGUs dahil nagpapakita ito ng determinasyon at dedikasyon na harapin at malampasan ang anumang hamon ng panahon.
Dagdag pa ng Senador, handa siyang magbigay ng tulong sa Dupax del Norte bilang katuwang, kaibigan at anak ng bayan sa Senado.
Ang adoption kay Senator Tolentino bilang isang mamamayan ng Dupax del Norte ay pinagtibay ng isang resolusyon ng Sangguniang Bayan (SB) ng LGU. (OTB/BME/PIA NVizcaya)