No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

P20M, inilaan ng DA sa industriya ng asin sa OccMDo

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P20 milyon para sa taong 2023 upang higit pang palakasin ang industriya ng asin sa Occidental Mindoro, ayon sa Panlalawigang Tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sinabi ni BFAR Provincial Fishery Officer Edgar Payas na ang nasabing halaga ay interbensyon ng Kagawaran at gagamiting pambili ng mga kagamitan sa paggawa ng salt beds, kabilang ang clay tiles, kahoy at high density polyethylene (HDP) liner.

Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P20 milyon para sa kasalukuyang taon upang higit pang palakasin ang industriya ng asin sa Occidental Mindoro. (EL/Mga larawan ay kuha ni Ernan Lakwatsero)

“Ipagkakaloob ang mga materyales na ito sa mga salt producer ng probinsya,” saad ni Payas na isa ring kasapi ng Technical Working Group ng BFAR na nakatutok sa industriya ng asin sa bansa.

Ayon kay Payas, sa pakikipagpulong ng kanilang tanggapan sa mga pamahalaang lokal, salt producers, at mga ahensyang tumutulong sa industriya ng asin, ay natukoy na dapat higit pang mapalawak ang asinan sa Occidental Mindoro upang makatulong sa pagtugon sa requirement ng bansa sa asin.

Sa datos na hawak ng Tamaraw Salt Producers Cooperative (TAMACO), 7 porsyento lamang ng kabuuang pangangailangan ang natutugunan ng mga asinan sa bansa,at ang 93 porsyento ay inaangkat na.

“Sa 7 porsyento na yan, nasa 60 porsyento ang ambag ng Occidental Mindoro sa produksyon ng asin,” sabi ni TAMACO General Manager Nique Lasac. 

Dagdag pa ni Lasac na malayo pa ang lalakbayin ng Pilipinas bago ito maging self-sufficient sa asin.

Aniya, isa sa nakikitang hakbang ng TAMACO ay ang palawakin ang mga asinan sa iba’t ibang lugar sa bansa, gayundin ang pagkilos ng pamahalaan upang mapadali ang aplikasyon at pagpoproseso ng mga dokumento na kailangan ng mga magtatayo ng asinan.

Samantala, kinikilala ng TAMACO na magandang balita ang pagtanggap ng DA-BFAR na pamunuan ang salt industry. Matagal na panahon, ayon kay Lasac, na walang isang ahensya ng pamahalaan na espesipikong nangangalaga sa kapakanan ng salt industry.

Ngayon, aniya, may isang Kagawaran na maaaring lapitan ang mga salt producer upang idulog ang mga problemang kinakaharap ng industriya at kanilang mga plano para sa ikauunlad nito. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch