No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

MR-OPV SIA orientation, isasagawa sa mga opisyal ng barangay sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Isang oryentasyon ukol sa Measles-Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity o MR-OPV SIA ang isasagawa para sa mga Punong Barangay at Chair ng Sangguniang Kabataan (SK) sa buong lalawigan.
 
Layunin nito na himukin ang mga opisyal na maging aktibo sa isasagawang pagbabakuna laban sa tigdas at polio sa susunod na buwan.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, target ng pamahalaan panlalawigan na bakunahan ang mga batang may edad 0-59 buwan ng oral polio vaccine o OPV at 9-59 buwan ng measle-rubella vaccine at pagbibigay ng Bitamina A sa mga batang may edad limang taon pababa.
 
Kanyang hinihikayat ang mga barangay official, barangay health workers, volunteer at mga magulang na makiisa at tulungan ang pamahalaan sa nasabing kampanya upang matuldukan ang paglaganap ng sakit na tigdas at polio upang maiwasan ang outbreak.
 
Tiniyak din ng punong lalawigan na walang dapat ikatakot ang mga magulang at bata dahil ang mga ipagkakaloob na mga bakuna ay pawang ligtas at garantisado.
 
Sa datos ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, simula Enero 1 hanggang April 8, 2023, may kabuuan 41 suspected measles cases ang naitala sa lalawigan.
 
Mas mataas ito ng 720 porsyento kumpara sa naitalang kaso ng nagdaan taon sa kaparehong panahon kung saan lima lamang ang naitala. (CLJD/VFC-PIA 3)

Patuloy ang ginagawang advocacy campaign ng Provincial Health Office ng Bulacan para makiisa sa gaganaping Measles-Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity sa buwan ng Mayo. (Shane Velasco/PIA 3)

About the Author

Vinson Concepcion

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch