LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) -- Nasa kabuuang 1,073 mga titulo ng lupa ang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Gitnang Luzon.
Sa idinaos na programa na pinangasiwaan mismo nina DAR Secretary Conrado Estrella III, Senador Imee Marcos, at Senador Francis Tolentino ay naipagkaloob na sa 1,053 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang titulo ng lupaing kanilang sinasaka na sumasaklaw sa may lawak na kabuuang 1,170 ektaryang bukirin.
Pahayag ng kalihim, ang naturang programa ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa upang mapalaya ang mga magsasaka sa pagkakaalipin sa lupaing kanilang sinasaka.
Aniya, personal na iniaabot sa mga magsasaka ang mga titulo ng lupa na may layunin ding mailapit ang pamahalaan at mapakinggang mabuti ang mga pangangailangan nila sa kasalukuyan nang sa gayon ay makatulong ang gobyerno na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Mula sa kabuuang bilang ng mga naipamahaging titulo ng lupa ay humigit-kumulang 636 titulo ang naipamahagi sa 585 ARB sa ilalim ng regular na Land Acquisition and Distribution program ng ahensya na sumasakop sa 393 ektarya.
Nasa 437 electronic land titles na may sukat na 709.04 ektarya naman ang ipinamahagi sa 438 ARB sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.
Sa pamamagitan ng programang SPLIT ng DAR ay ginagawaran ng indibidwal na titulo ng lupa ang mga ARB na dati nang nakatanggap ng lupa sa ilalim ng Collective Certificates of Land Ownership Award.
Sa Nueva Ecija ay nasa 68.02 ektaryang lupain na pag-aari ng pamahalaang lungsod ng Palayan ang naipamahagi rin sa 30 ARBs.
Bukod sa Nueva Ecija ay nakatanggap din ng titulo ng lupa ang mga ARB mula sa mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac at Zambales.
Sa naturang programa ay ipinahayag ni Senador Marcos na pangarap ng kanyang ama na mapalakas ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanila mula sa pagkaalipin sa lupain.
Pinuri naman ni Senador Tolentino ang gampanin at idinaos na programa ng DAR para sa mga magsasaka.
Maliban sa mga titulo ng lupa ay namahagi rin ang DAR ng mga makinaryang pangsaka at loan packages sa mga grupo ng mga magsasaka o ARB organizations. (CLJD/CCN-PIA 3)