No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Abel, Buri, mga lokal na produkto mabibili sa Labor Day Festival Food and Trade Fair ng DTI

LUNGSOD NG VIGAN, Ilocos Sur (PIA) – Tampok sa Food and Trade Fair ng Department of Trade and Industry (DTI) Ilocos Sur para sa Labor Day Festival ang iba’t-ibang lokal na produkto sa Ilocos Sur.

Ginanap ang naturang aktibidad sa Provincial Farmers Livelihood Development Center sa lungsod na ito para sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa noong Lunes, Mayo uno kasabay ng Job Fair at Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa.

Ayon kay aling Cherie Camaso mula sa Barangay San Pedro Sur, Vigan City, may ari ng JD Souvenir Shop kung saan mabibili ang mga produkto na gawa sa Abel Iloco, maswerte siya na mapabilang sa mga negosyante na napili ng DTI para makilahok sa trade fair.

Aniya, “Maraming pumupunta dito para bumili ng iba’t-ibang paninda dahil marami silang pagpipilian. Mabenta sa mga paninda ko iyong table runner at placemat, iyong mga taga ibang probinsya kasi alam na nila iyong kalidad ng Abel Iloco sa Ilocos Sur.”

Mabibili ang pinakamurang table-runner na isang metro ang haba sa halagang P120, ang isang set naman ng place mat ay nagkakahalaga ng P250.

Ipinapakita ni Cherie Camaso, may ari ng JD Souvenir Shop ang kaniyang produktong Abel sa isang mamimili. (PIA/ATV)

Paliwanag niya, para sa mga gaya niyang negosyante ay napakagandang pagkakataon ng aktibidad na ito para matulungan silang madagdagan ang benta nila at ibinida ang kanilang mga produkto.

Iba't-ibang kulay at disenyo ng bag na gawa sa Buri ang ipinagbebenta sa Food and Trade Fair ng DTI sa Labor Day Festival sa Ilocos Surf. PIA/ATV/Walxsher Jay Tabuyo-Intern)

“Dito rin kami nakakakilala ng mga bagong kliyente na may pagpapahalaga sa gawa naming Abel Iloco,” ani aling Cherie.

Pagbabahagi naman ni Joseph Garcia na isang mamimili mula sa bayan ng Magsingal, "Maganda na may ganito, sana kahit once a week or once a month may food and trade fair para maibenta iyong mga produkto lalo na ng mga mula pa sa upland areas dahil hindi naman tayo makakapunta sa lugar nila para makabili ng mga gawa nila."

Maliban sa mga produktong Abel Iloco, may mabibili ring mga produkto na gawa sa Buri gaya ng mga bag sa halagang P100 hanggang P500 depende sa laki.

Tampok pa sa food and trade fair ang sukang Iloco sa halagang P50, pickled na panghimagas - P100, Basi - P100, at samu't saring pagkain at inumin.

Handog rin ng DTI ang mas murang mga bilihin gaya ng mantika, sabon panlaba, shampoo, panlinis sa bahay at iba pa sa programang Diskwento Caravan.

Naisagawa ang food and trade fair hanggang ikalawa ng Mayo kasabay ng Kadiwa Para sa mga Manggagawa kung saan naman nabili ang murang produkto ng mga magsasaka. (JCR/MJTAB/ATV, PIA Ilocos Sur)

Mga lokal na produkto gaya ng Sukang Iloko at Basi, mabibili rin sa Food and Trade Fair ng DTI. (PIA/ATV)

About the Author

Aila Villanueva

Writer

Region 1

Aila T. Villanueva is an Information Officer I of the Philippine Information Agency Ilocos Sur Information Center based in the Heritage City of Vigan.

Feedback / Comment

Get in touch