No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mahigit P1.8 bilyon ipinamahagi ng DOLE sa mga manggagawa sa Araw ng Paggawa

Kabilang si Sarah Besa, fresh graduate ng kursong BSBA - Financial Management mula sa Occidental Mindoro State College sa na Hired-on-the-Spot (HOTS) bilang isang data encoder sa Triple E Manpower Agency sa isinagawang Labor Day Jobs Fair sa SMX.(Photo credit: DOLE-NCR)

LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Mahigit P1.8 bilyong sahod at tulong-pangkabuhayan ang ipinamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE)  kahapon, Mayo 1 sa mahigit 313,000 manggagawa kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.

Kasama sa halagang nabanggit ang sahod ng mga manggagawa sa impormal na sektor na nagtrabaho sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), tulong-pangkabuhayan sa mahihirap at marginalized workers sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) o Kabuhayan Program, sahod ng mga estudyante sa ilalim ng DOLE-Government Internship Program (GIP), at ng mga kabataang manggagawa sa ilalim ng Special Program for Employment of Students (SPES).

Bahagi ito ng iba’t ibang programa ng kagawaran sa paggawa bilang suporta sa mga pagsusumikap ng pamahalaan na “muling pasiglahin ang paglikha ng trabaho at pabilisin ang pag-angat mula sa kahirapan sa pamamagitan ng pagtutulak ng ekonomiya tungo sa pag-unlad ng ating bansa.”

Ang kabuuang halagang igagawad ay P1.877 bilyon para sa 313,943 benepisyaryo.

Sa ilalim ng TUPAD, may kabuuang 267,665 benepisyaryo ang tatanggap ng kanilang sahod na nagkakahalaga ng P1,335,074,096.50; sa ilalim ng DILP may kabuuang 26,072 benepisyaryo ang tatanggap ng livelihood aid na nagkakahalaga ng P428,019,961.91; sa ilalim ng GIP, 10,810 benepisyaryo ang tatanggap ng kanilang sahod na nagkakahalaga ng P68,320,433.63; at sa ilalim ng SPES, ipapamahagi ng DOLE ang bahagi sa sahod ng 8,469 benepisyaryo na nagkakahalaga ng P40,973,279.11.

Magbibigay naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng starter toolkits sa 927 benepisyaryo na nagkakahalaga ng P4,860,943.

Ang TUPAD ay isang community-based package of assistance na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga underemployed, natanggal sa trabaho, o self-employed na manggagawa, kabilang ang mga magsasaka at mangingisda, nang hindi bababa sa 10 araw ngunit hindi lalampas sa 90 araw, depende sa klase ng trabaho na kanilang gagampanan.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng TUPAD ang 17,740 manggagawa mula sa National Capital Region (NCR); 25,636 mula sa Cordillera Administrative Region (CAR); 21,954 mula sa Ilocos Region; 8,335 mula sa Cagayan Valley Region; 16,758 mula sa Central Luzon; 7,439 mula sa CALABARZON; 5,381 mula sa MIMAROPA; 19,955 mula sa Bicol Region; 11,458 mula sa Western Visayas;  18,045 mula sa Central Visayas; 48,944 mula sa Eastern Visayas; 8,931 mula sa Zamboanga Peninsula Region; 28,130 mula sa Northern Mindanao; 7,255 mula sa Davao Region; 7,730 mula sa SOCCSKSARGEN; at 13,974 mula sa Caraga.

Samantala, sa ilalim ng DILP o Kabuhayan Program, 26,072 marginalized worker sa buong bansa ang tatanggap ng tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng mahigit P428 milyon.

Nagbibigay oportunidad pang-ekonomiya ang Kabuhayan Program sa mga marginalized worker sa pamamagitan ng tulong pang-negosyo para sa indibidwal o grupong gawain.

Kabilang sa mga iginagawad na tulong-pangkabuhayan ay may kinalaman sa pagtitinda ng pagkain (Nego-Kart); pangingisda (mga bangkang pangingisda); pagsasaka (mga kagamitan sa pagsasaka, farm inputs, produksyon ng gulay); pananahi; produksyon ng pagkain (bigas at mais, bangus, paggawa ng banana chips, panaderya, paggawa ng kakanin, paggawa ng tablea); at welding and vulcanizing services.

Samantala, ipamamahagi din ng Kagawaran ang mahigit P68 milyon bilang sahod ng 10,810 youth intern sa ilalim ng GIP; at mahigit P40 milyon bilang bahagi ng pamahalaan sa sahod ng 8,469 manggagawa sa ilalim ng SPES.

Ipinatutupad ng DOLE ang GIP at SPES para mabigyan ng oportunidad ang mga kabataan na makapagtrabaho at maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Sa ilalim ng GIP, sasailalim sa tatlo hanggang anim na buwang internship ang mga estudyante sa high school, technical-vocational, o nagtapos sa kolehiyo na nagnanais na magtuloy sa serbisyo-publiko sa lokal o pambansang pamahalaan.

Samantala, ang SPES ay isang youth employment-bridging program ng DOLE na naglalayong magbigay ng pansamantalang trabaho sa mahihirap ngunit karapat-dapat na mga mag-aaral, out-of-school youth, at mga dependent ng mga manggagawang nawalan ng trabaho upang madagdagan ang kita ng kanilang pamilya at matiyak na maipagpapatuloy ng mga benepisyaryo ang kanilang pag-aaral.

Ipinagdiriwang ang Araw ng Paggawa ngayong taon na may temang, “Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho Para sa Manggagawang Pilipino.”  (dole/pia-ncr)

About the Author

Susan De Leon

Assistant Regional Head

NCR

IO 3

Feedback / Comment

Get in touch