LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) --Tinalakay ni Commission on Human Rights (CHR) Oriental Mindoro Officer-In-Charge Atty. Estrella C. Baltazar sa Samahan ng may Kapansanan o Persons with Disability (PWD) ng Barangay Bayanan 2 sa lungsod na ito ang tungkol sa Gender and Development (GAD) at mga karapatan ng bawat tao na isinagawa kamakailan sa Barangay Health Center ng nasabing lugar.
Unang ibinahagi ni Baltazar ang tatlong sangay ng pamahalaan--ang ehekutibo, lehislatibo at judikatura para magkaroon ng kaunting kaalaman ang 25 partisipantes sa mga namumuno sa pamahalaan.
Kasama din sa ipinaliwanag ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan kabilang ang libreng konsultasyon tungkol sa karapatang pantao, proteksiyon, polisiya at iba pa.

Diin pa ng opisyal na ang hanay ng mga may kapansanan ay kabilang sa mga bulnorableng sektor ng lipunan o mahina kasama ang sektor ng senior citizens, solo parents, mahihirap, katutubo, at iba pa na walang kakayahang ipagtanggol ang sarili kaya mas kailangan ng mga ito ang tulong ng pamahalaan.
Sinabi ni Baltazar “Bukas ang aming tanggapan sa mga tulad ninyong may kapansanan at handang tumulong ang Commission on Human Rights sakaling nakaranas kayo ng pang-aabuso o kaya’y hindi makataong pagtrato ng mga taong hindi rumerespeto sa dignidad ng iba.”
Ang tanggapan ng CHR Provincial Office ay matatagpuan sa ikalawang palapag ng gusali ng One Luna Place, Juan Luna St., Brgy. San Vicente Central sa lungsod na ito katapat ng Pamilihang Lungsod ng Calapan para sa mga nagnanais magpakonsulta o humingi ng payo. (DN/PIA Oriental Mindoro)