LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato (PIA) -- Hiningi ng Armed Forces of the Philippines ang kooperasyon ng publiko kaugnay sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa lalawigan ng South Cotabato.
Ayon kay 5th Special Forces Battalion commanding officer Lt. Col. Carlyleo Nagac, bagama’t ‘generally peaceful’ ang sitwasyon sa probinsya, mas mainam pa rin na maging maingat at handa ang publiko sa anumang panganib.
“Sa kabuuan ang lalawigan ng South Cotabato ay generally peaceful. Sometimes there is a misconception, na kapag narinig kasi na Cotabato, minsan naitatali nila na magulo. Pero actually, South Cotabato and going outwards is generally peaceful,” ani Nagac
Kasabay nito, nilinaw ng opisyal na hindi maikakaila na may presensya pa rin ng iilang threat groups sa lalawigan.
Kabilang na dito ang mga communist terrorist groups (CTG), local terrorist groups, peace-inclined armed groups at iba pang may mga criminal activities.
Siniguro naman ng opisyal na gagawin nila ang lahat ng makakaya upang mapanatili ang kapayapaan sa probinsya.
“Ang inyong armed forces, is working towards that. Towards achieving sustainable peace,” ayon kay Nagac.
“Ang South Cotabato is napakalaki ang potential towards development talaga. Now, all of these are hampered because of threat groups. We are working hard with the PNP and the local government units para matigil na, matapos na itong exploitation and deception na ginagawa ng threat groups na ito lalo na itong mga CTG natin,” dagdag pa nito.
Sakop ng area of operations ng 5th Special Forces Battalion ang buong probinsya ng South Cotabato maliban sa bayan ng Tantangan at Tampakan. (PIA 12)