No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

HPG-Romblon nagpapaalala tungkol sa pagsusuot ng helmet

ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Muling ipinaalala ng Philippine National Police (PNP)-Highway Patrol Group sa publiko ngayong Road Safety Month ang palagiang pagsusuot ng helmet kung magmamaneho ng mga motorsiklo para sa kaligtasan ng mga rider.

Ito ang paalala ni Police Executive Master Sergeant Karen Fortu sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Miyerkules, Mayo 10, sa Melrose Cafe sa Odiongan, Romblon.

Batay sa tala ng kanilang opisina, karamihan sa 25 aksidenteng naitala nila sa buong probinsya nitong unang apat na buwan ng 2023 ay walang mga suot na helmet ang mga nasangkot.

"Ugaliin po natin magsuot ng helmet kung may dala tayong sasakyan kasi hindi po natin alam kung kailan ang disgrasya. Tandaan natin na ang helmet ay isinusuot sa ulo at hindi sa mga siko," sabi ni Fortu.

Sinabi rin ni Fortu na sa datus na kanilang nakolekta mula sa Municipal Police Stations sa unang apat na buwan ng taon, pinakamaraming naaksidente ay dahil sa pagmamaneho ng nakainom, at sinusundan nang mga biglaang pagliko.

Dahil dito, pinaalalahanan rin ni Fortu ang publiko na huwag magmaneho nang nasa impluwensa ng alak para iwas disgrasya sa sarili at para na rin walang madamay na ibang mga motorista.

Dagdag pa ng opisyal na iwasan rin ang paggamit ng mga cellphone kapag nagmamaneho ng kanilang sasakyan.

Muling ipinaalala ng PNP-Highway Patrol Group sa publiko ngayong Road Safety Month ang palagiang pagsusuot ng helmet kung magmamaneho ng mga motorsiklo para sa kaligtasan ng mga rider. (PJF)

Ugaliin rin umanong maging mapagbigay sa kalsada lalo na sa mga gustong tumawid na mga pedestirians at magkaroon ng tamang distansya mula sa ibang sasakyan.

Iwasan rin umano ang pagmamaneho ng mabilis at walang habas na pagmamaneho.

Panghuli, paalala ni Fortu sa publiko na ugaliing tingnan ang kondisyon ng mga sasakyan kapag babiyahe at tandaan ang BLOWBAGETS o ang pagtingin sa battery, light, oil, water, brakes, air, gas, engine, tools, at ang sarili. (PJF/PIA Mimaropa)

About the Author

Paul Jaysent Fos

Writer

Region 4B

Information Center Manager of Philippine Information Agency - Romblon

Feedback / Comment

Get in touch