Dahil nakita na ang presyo ng pagkain ang madalas na nakaapekto sa pagtaas ng inflation sa probinsya, sinabi ng Department of Agriculture Mimaropa at Provincial Agriculture Office na patuloy ang ginagawa nilang interventions para matulungan ang mga Romblomanon na naapektuhan ng inflation. (PJF)
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Bahagyang bumaba sa 6.8% ang naitalang inflation rate sa probinsya ng Romblon para sa buwan ng Abril sa kasalukuyang taon kumpara sa 7.0% noong nakaraang buwan.
Batay sa ulat ni Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng Philippine Statistics Authority - Romblon, nakaapekto ng bahagyang pagbagal ng inflation pagdating sa mga pagkain, presyo ng gasolina at diesel, at presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) at Kerosene.
Nakitaan rin ng pagbagal ng inflation ang presyo ng mga kagamitan tulad ng TV at mga antenna.
Dahil nakita na ang presyo ng pagkain ang madalas na nakakaapekto sa pagtaas ng inflation sa probinsya, sinabi ng Department of Agriculture (DA) Mimaropa at Provincial Agriculture Office na patuloy ang ginagawa nilang interbensyon para matulungan ang mga mamamayan ng Romblon na naapektuhan ng inflation.
Sa pahayag ni Engr. Analiza Escarilla ng DA Mimaropa, sinabi nito na tuluy-tuloy ang pamamahagi nila ng mga high value seeds para makatulong sa pagbaba sa presyo ng mga gulay.
Paliwanag nito, kung marami ang nagtatanim sa kanilang mga lokalidad, mababawasan umano ang importasyon ng mga gulay na nagiging dahilan para lumubo ang mga presyo ng mga ito.
Sa bahagi naman ng Provincial Agriculture Office, sinabi ni Engr. Al Fetalver na may mga programa na rin silang inilalatag para matulungan din ang mga magsasaka sa probinsya at maging ang publiko na gumagastos ng peso.
Ayon sa ipinalabas na report ng PSA Romblon, ang halaga ng peso noong Abril 2023 kumpara noong taong 2018 ng kaparehong buwan ay P0.79 na lamang matapos tumaas ang consumer price index sa 125.8. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)