LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Patuloy ang mga ginagawang pagsisikap ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) upang mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kani-kanilang mga anak laban sa measles-rubella at polio.
Sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region XII, sinabi ni Dr. Jhoana Marie Zambrano, head ng Public Health Section ng CRMC, na isinagawa kamakailan sa CRMC ang lay forum kung saan ipinaliwanag ng mga doctor sa mga magulang ang kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa measles-rubella at polio.
Ayon pa kay Zambrano, mahalaga na maipaliwanag sa mga magulang na ligtas, epektibo, at dumaan na sa maraming pagsusuri ng mga eksperto ang mga bakuna.
Binigyang-diin din niya na ang measles at polio ay mga nakahahawang sakit na maaaring magdulot ng matinding komplikasyon. Aniya, tanging ang mga bakuna lamang ang magiging susi upang maiwasan ang mga nabanggit na sakit.
Ang malawakang pagbabakuna kontra measles-rubella at polio ay isinasagawa ngayong buwan sa buong bansa. Layon nitong mabigyan ng measles-rubella vaccine ang mga batang may edad siyam hanggang 59 na buwang gulang at polio vaccine naman sa mga batang may edad zero hanggang 59 na buwang gulang. (PIA Cotabato)