BAGUIO CITY (PIA) -- Inilabas ni Mayor Benjamin Magalong ngayong araw (MAy 17) ang Executive Order No. 63, Series of 2023 na nagmamandato ng pagsusuot ng face mask sa mga indoor spaces sa lungsod.
Sa pahayag na inilabas ng Baguio City Public Information Office, nakasaad na sa naturang kautusan ay kailangang sundin ang health protocols sa indoor, enclosed spaces gaya ng work places, classrooms, event venues, banquet halls, conference rooms, at iba pa.
Maaari namang tanggalin ang face mask kapag kumakain o umiinom, kapag sumailalim sa medical, dental o personal care procedures na kailangang magtanggal ng face mask, at kapag may physical fitness activities.
Ipinaalala rin ng alkalde na mandatory ang pagsusuot ng face mask sa loob ng public utility jeepneys at taxi.
Una nang binigyang-diin ni Magalong na kailangang obserbahan ang minimum public health standards lalo na ang pagsusuot ng face mask dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa lungsod. Aniya, umaabot sa 13-14 na COVID-19 cases ang naitatala bawat araw.