LUNGSOD QUEZON, (PIA) --Mahigit 1.3 milyon ang naipamahaging tulong pangkabuhayan ng DSWD-NCR sa 134 pamilya noong Mayo 17, 2023 sa Eduardo Duay Calixto Training Center, Pasay City.
Nakatanggap ang bawat pamilya ng livelihood settlement grant (LSG) na nagkakahalaga ng 8,000 - 15,000 na kanilang magagamit upang maibangon muli ang kanilang mga negosyo na lubos na naapektuhan ng naganap na sunog sa Brgy. 144.
Sa atas ni Acting Regional Director, Atty. Michael Joseph J. Lorico, pinangunahan ng mga kawani ng DSWD-NCR Sustainable Livelihood Program (SLP) ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan.
Peronal ding dumalo si Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano sa distribusyon at hinimok ang mga benepisyaryong nakatanggap ng tulong na pangalagaan at palaguin ang ayudang kanilang natanggap.
"Tulad ng isang binhi na kailangan alagaan, tanggalin ang nabubulok upang ang inyong binhi ay lumago, mamulaklak at mamunga. Sana sa darating na panahon makita namin na mas malaki na ang iyong negosyo. Hindi ito imposible, nandito kami upang sumuporta at tumulong,” pahayag ni Mayor Rubiano.
Labis naman ang pasasalamat ng mga pamilya na nakatanggap ng nasabing tulong.
"Nagpapasalamat ako sa DSWD-NCR na nagkaroon ng ganitong pagkakataon na mabigyan ng tulong pangkabuhayan," pahayag ni Gng. Erlinda Puno, isa sa mga benepisyaryo.
“Itong aking nakuha ay gagamitin kong pandagdag sa aking carinderia at ang matitira ay ilalaan ko sa pagpapaayos ng aking nasunog na tindahan,” dagdag pa ni Puno.
Ang LSG ay naglalayong magbigay ng tulong pinansiyal sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa mga sakuna tulad ng sunog, baha, landslide at iba pa. (dswd-ncr/pia-ncr)