SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Ibinahagi kamakailan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ang mga pangunahing benepisyo ng Organikong Pagsasaka (OP) na kabilang sa tinalakay sa katatapos lamang na Farmer Field School (FFS) on Corn Production sa Brgy Tubili, Paluan.
Ang isinagawang FFS ay isang buwan na pagsasanay sa makabagong pamamaraan ng pagsasaka.
Ayon kay District 1 Corn Coordinator Elsa Reyes ng OPA, napapangalagaan sa organic farming ang kalidad ng lupang sinasaka, gayundin ang kalusugan ng tao at ng kapaligiran.
Sa conventional farming, ani Reyes, unti-unting nasisira ang kalidad ng lupa dulot ng paulit-ulit na paggamit ng synthetic fertilizers at pesticides.
“May mga pag-aaral na sa katagalan ay nagiging acidic ang lupa at nababawasan ang kakayahang mag-prodyus ng maganda at maraming ani,” paliwanag ni Reyes.
Idinagdag din ni Reyes na nakakasama sa kalusugan ng mga magsasaka ang kemikal na kanilang gamit sa sakahan. Kahit paano, aniya, may pagkakataong nalalanghap ng mga magsasaka ang ini-spray nilang pataba.
“Bukod sa kalusugan ng lupa at ng mga magsasaka, maging ang mga kulisap na nakakatulong sa bukid ay nadadamay din sa epekto ng mga kemikal, batay mismo sa Integrated Pest Management,” ani Reyes.
Ang mga tinuran ni Reyes ay hindi nalalayo sa pahayag ni Rizal Municipal Agriculturist Jehu Michael Barrientos, isa sa nangunguna sa pagsusulong ng OP sa probinsya. Aniya, sa conventional farming, may mga pagkakataon na ang mga kemikal mula sa pestisidyo ay naiiwan sa mga tanim o crops at nakukunsumo ng publiko. “Hindi lang natin agad natutukoy pero ang mga kemikal na ito ay masama sa kalusugan kinalaunan,” saad ni Barrientos.
Paliwanag pa ng municipal agriculturist, maging ang kapaligiran ay napeperwisyo ng conventional farming. Aniya, ang synthetic chemicals sa pagsasaka ay nakakarating sa iba’t ibang anyong tubig at naaanod patungo sa iba’t ibang lugar.
“Kung lilipat na ang karamihan sa organic farming, mas nakatitiyak ang mga magsasaka na magpapatuloy ang pag-unlad ng kalidad ng lupa, at maiiwasan ang masasamang epekto ng mga kemikal,” paliwanag ni Barrientos.
Sa usapin naman ng mataas na presyo ng organic products, ipinaliwanag ni Barrientos na mataas ang demand nito subalit kakaunti lamang ang nagsu-suplay.
Kaya nga dapat aniya ay higit na pagtuunan ng lalawigan ang organikong pagsasaka. “Bukod sa maibabalik natin ang yaman ng lupang sakahan, mas kikita ang mga magsasaka sa pagprodyus ng healthy products na maaaring ibenta sa magandang presyo,” dagdag pa ni Barrientos. (VND/PIA Mimaropa-OccMin).