
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Pormal nang nagsimula nitong May 23 ang pinakaaabangan na Mimaropa Regional Athletic Association (MIMAROPARAA) Meet sa bayan ng Romblon, Romblon matapos ang tatlong taong suspensyon dahil sa pandemya.
Sa ginanap na opening program sa Romblon National High School, sinabi ni Romblon DepEd Schools Division Supt. Roger Capa na nais niyang ang pagsisimula ay manaig sa Palaro na ito ang diwa ng pagkakaisa, lakas, at katatagan sa kabila ng emosyonal stress na dinala ng pandemya.
"Sa nakalipas na tatlong taon, natigil ng pandemya ang tagisan sa larangan ng palakasan na kagaya nito. Nagdulot ito ng pagkabagabag, pagkainip, at pighati sa ating lahat. Subalit ngayon, narito tayo muli and everyone is excited to once again indulge in the healthy sport competition of our region," ayon kay Capa.
Dumalo sa pagbubukas ng palaro ang iba't ibang matataas na opisyal ng lalawigan sa rehiyon sa pangunguna nina Romblon Governor Jose Riano, Marinduque Governor Presbe Velasco, Jr., Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor, at Occidental Mindoro Gov. Ed Gadiano.
Ito na ang ikatlong beses na ang bayan ng Romblon ang host sa MIMAROPARAA Meet kung saan maglalaban-laban sa iba't ibang sports competition ang mga manlalaro mula sa mga probinsya ng Romblon, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Calapan City, Palawan, at Puerto Princesa City.
Sa palarong ito, inaasahang maihahanda ng DepEd Mimaropa ang mga atletang puwedeng isalang sa Palarong Pambansa.
Samantala, panawagan ni Romblon Mayor Gerard Montojo kay DepEd Secretary at Vice President Sarah Duterte na sana ay pag-aralang mabuti ang "winner-take-all policy" dahil hindi umano ito makakatulong para mapili ang mga pinakamagagaling na atleta sa rehiyon.
"We beg you, and the DepEd family to kindly revisit, restudy, and reconsider this policy so we can discover and produce the best athletes the Philippines could ever have," pahayag ng alkalde.
Ang MIMAROPARAA Meet ay magtatagal hanggang May 26. (PJF/PIA Mimaropa)