PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Pormal nang isinapubliko ang pagiging Pambansang Yamang Pangkalinangan ng ‘Sinaunang Paraan ng Pagsulat' sa lalawigan ng Palawan.
Ito ay sa pamamagitan ng ‘Unveiling of Marker of The Ancient Syllabic Script in Aborlan, Palawan' na isinagawa nitong Mayo 19, 2023 sa Aborlan Municipal Hall.
Ang pasinaya at paglahad sa publiko ng marker o pananda ay nataon din sa pagdiriwang ng National Heritage Month ngayong Mayo 2023 na may temang 'Pamana: Pagpapatuloy at Pagbabago.’
Pinangunahan ito ni Marites P. Tauro ng Pambansang Museo ng Pilipinas katuwang ang mga kinatawan mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Lokal na Pamahalaang Bayan ng Aborlan.

Nakasaad sa pananda o marker na ‘Hinggil sa natatangi nitong kahalagahang pamanang pangkalingan ng sambayanang Pilipino, ang sinaunang paraan ng pasulat sa Palawan ay ipinapahayag bilang Pambansang Yamang Pangkalinangan.’
Ayon kay Marites Tauro, ang pagkilalang ito sa mga sulat ng Tagbanua at Palaw’an ay pinakamataas na parangal na iginagawad para sa isang Cultural Property sa bansa bilang pagbibigay diin sa kahalagahan nito sa Pamanang Pilipino.
Ang mga sulat na ito ay kalauna'y napabilang sa Memory of the World Registry ng UNESCO bilang dokumento noong taong 1999.
Ang surat Tagbanua at Palaw’an ay isasama rin sa isa sa mga galleries ng National Museum of the Philippines Tabon Caves sa bayan ng Quezon, na bubuksan ngayong taon.
Ang Tagbanua at Palaw’an ay dalawa lamang sa walong pangunahing tribu ng mga katutubo sa Palawan. (OCJ/PIA-Palawan)