LUNGSOD QUEZON, (PIA)-- Nakipagsanib-puwersa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa 30 malalaking kumpanya sa bansa sa paglulunsad ng “BIDA (Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan) Workplace” upang palawigin ang laban kontra iligal na droga sa pribadong sektor.
Sa signing ceremony ng memorandum of understanding (MOU) Huwebes (Mayo 25), hinikayat ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang mga pribadong kumpanya na magkaroon ng sarili nilang drug policy at magsagawa ng random drug testing ng kanilang mga empleado upang mabawasan ang paggamit ng iligal na droga.
"BIDA Program is all about shared responsibility in countering illegal drugs, and BIDA Workplace is our bid to forge dependable partnerships with the private sector. Kayo na ang bahala sa kanya-kanya niyong internal mechanism but what is important is that every company would have a drug policy kasi matatakot silang gumamit," ani Abalos.
Ayon sa Kalihim, ang BIDA Workplace ay bahagi ng whole-of-nation approach ng pamahalaan upang labanan at puksain ang iligal na droga sa buong bansa.
Sa pamamagitan aniya nito ay iba pang aspeto ng BIDA program ay unti-unting makakamit ng pagiging drug-free ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Abalos na ikinagagalak niya ang pakikiisa ng mga pribadong kumpanya sa programa at sa kanilang pagnanais na pangunahan ng DILG ang pagsasailalim sa kanilang mga empleyado sa drug test.
Nakiisa ang mga kinatawan ng mga sumusunod na pribadong kumpanya sa MOU signing: PLDT, Smart Communications, Maynilad, Meralco, Jollibee Food Corporation, Max’s Group, Inc., Megawide Corporation, SM Corporation, Megaworld, Philippine Airlines (PAL), Mcdonald’s, Nestle, Aboitiz, San Miguel Corporation, Metro Pacific Tollways, ETON, Ayala, Converge ICT Solutions, Inc., Blue Cross, Bench, Gokongwei Group, Lopez Holdings Corporation, RFM Corporation, Tan Yan Kee Foundation, Inc., Foodee Global Concepts, Cherry Mobile, Mary Grace, UERM Medical Center, at University of the East ngayong May 25, 2023 sa Eastwood Richmonde Hotel sa Quezon City.
Bilang pagpapakita ng kanilang suporta at commitment sa BIDA program, nangako ang iba't ibang kompanya tulad ng PAL na magkakaloob ng one million Mabuhay Miles; P500,000 testing kits mula sa Blue Cross; Ayala ng vouchers ng Generika Medpadala cards; pagpapagamit ng UERM Medical Center ng kanilang drug-testing facilities; 2-milyong halaga ng produkto mula sa San Miguel Corporation; at, scholarship grants para sa mga qualified out-of-school youth mula sa Tan Yan Kee Foundation, Ay Foundation, Inc., at Cherry Mobile.
Ayon kay Abalos, nakipagtulungan sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa BIDA Drug-Free Workplace Seal na ipagkakaloob sa mga pribadong kumpanya na sumusunod sa mga BIDA Workplace policy at practices at gumagawa ng aktibong hakbangin upang masiguro na hindi napapasok ng droga ang kanilang kumpanya.
Inanunsyo rin ang napagkasunduan ng DILG kasama ang Philippine Basketball Association (PBA), Premier Volleyball League (PVL), at University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na magsagawa ng random drug testing sa kanilang mga atleta at empleyado.
Samantala, ipinahayag naman ni Unang Ginang Louise Araneta Marcos na naging panauhin sa okasyon ang kanyang suporta sa DILG at pribadong sektor sa kanilang inisyatiba na magkaisa para sa masiguro ang pagkakaroon ng ligtas at drug-free workplaces sa bansa.
“On behalf of my husband, thank you, DILG, thank you, private sector. Thank you for the support you’ve given and continue to give for my husband’s war against drugs. Thank you for your commitment to make our FIlipino communities safe and drug free,” aniya. (dilg/pia-ncr)