No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Marikina, handa na kay ‘Mawar’

LUNGSOD QUEZON, (PIA) –Nakapaghanda na ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa pamamagitan ng kanilang Disaster Risk Reduction and Management Office ilang araw bago ang inaasahang pagdating ng Super Typhoon Betty (International name “Mawar”).

Inihanda na ng MCDRRMO) ang mga gamit tulad ng mga bangka na maaaring kailanganin ng mga residente sa paglikas.

Sa atas ni Mayor Marcy Teodoro, nakapreposition na ang mga rescue boat at iba pang rescue equipment sa iba’t ibang bahagi ng lungsod lalo na sa mga riverside communities.

Kablilang sa pinagdalhan ng mga rescue boats ay ang mga lugar tulad ng Provident Village, Homeowners’ Drive sa Brgy. Sto. Niño, A. Santos St. sa Brgy. Tumana, at Bayabas St., sa Brgy. Nangka.

Nagsasagawa rin ng siren test upang masubok na tiyak na tutunog ang mga alarma sa mga lugar na maaaring bahain sa oras na umapaw ang Ilog Marikina.

Mahigpit din ang ginagawang monitoring sa galaw ng bagyo na isa sa basehan sa paglalabas ng abiso at instruksyon ang Pamahalaang Lungsod.

Ang mga tanggapan ng pamahalaan na mayroong kanya-kanyang tungkulin bilang bahagi ng sistema o protocol  ay makaantabay din tulad ng mga nakatalaga sa kitchen o kusina kung saan lulutuin ang pagkain ng mga magsisilikas.

Sa nakalipas na mga taon, umiiral at sinusunod sa Lungsod ng Marikina ang protocol nito tuwing mayroong nakaambang sama ng panahon. Bahagi rin ng sistemang ito ang buong komunidad na nagsisikap at nagtutulungan upang madaling malampasan ang epekto ng kalamidad.

Bagamat sinasabi sa mga weather forecasts na hindi tatama nang direkta ang bagyong Betty sa Metro Manila, inaasahan namang paiigtingin nito ang Habagat na maaaring magdala ng mga pag-ulan. (marikina pio/pia-ncr)


About the Author

Jimmyley Guzman

Information Officer III

NCR

Feedback / Comment

Get in touch