Inilatag na ng mga miyembro ng Nueva Vizcaya Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ang kanilang mga paghahanda dahil sa banta ng bagyong ‘Mawar. (PIA Photo)
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Nagsagawa ng pagpupulong kahapon ang PDRRMC na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) upang malaman ang kahandaan ng lalawigan dahil sa bagyong ‘Mawar’.
Ayon kay Maria Loida Urmatam, Department of the Interior and Local Government Unit (DILG) Provincial Chief, nagbaba na sila ng abiso sa mga 15 Local Government Units ng lalawigan upang maghanda dahil sa banta ng nasabing bagyo.
Ayon sa Department of Public works and Highways (DPWH), naka-deploy na ang mga heavy equipments at kawani ng ahensiya sa mga landslide – prone areas ng national highway upang magsagawa ng clearing operations sa maaaring landslide na mangyari dahil sa banta ng ulan.
Ayon naman kay PNP Provincial Director Kamlon Nasdoman, handa rin ang kanilang kapulisan upang tumulong sa evacuation, search at rescue services para sa mga mamamayan.
Sa kabilang dako, ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Flordelina Granada, handa rin ang kanilang mga Food Packs na maaaring ibigay bilang tulong sa mga nangangailangang mga Municipal Local Government Units (MLGUs) ng lalawigan.
Nanawagan naman si Board Member Vic Gines sa mga Novo Vizcayanos na sumunod sa mga panawagan hinggil sa preventive evacuation upang hindi malagay sa panganib ang mga mamamayan lalo ang mga nasa delikadong lugar. (BME/PIA NVizcaya)