LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ (PIA) -- Umabot na sa 24,000 yunit na mga makinarya at kagamitan ang naipamahagi ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) sa buong bansa.
Ito ay sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program na pinangangasiwaan ng kagawaran simula taong 2019.
Ayon kay PHilMech Director Dionisio Alvindia, nasa P17.1 bilyon ang naipamahaging mga makinarya’t kagamitan na ipinagkaloob sa may 8,600 samahan ng mga magsasaka at mga lokal na pamahalaan mula sa 57 probinsya na nagtatanim ng palay sa buong bansa.
Tinatayang nasa 1.8 milyong magsasaka naman ang nabebenipisyuhan sa mga ipinamamahaging makinarya ng kagawaran.
Kaugnay nito ay nasa 30 libong magsasaka ang sumailalim na sa mga pagsasanay at pagtuturo ng PHilMech hinggil sa paggamit at pangangalaga ng mga natanggap na kagamitan.
Pahayag ni Alvindia, nararanasan na ng mga magsasaka ang mabilis at maayos na operasyon sa sakahan gayundin ang mas mababang gastos at pinabuting produksyon ng palay.
Bukod rito ay tumutulong din ang ahensya katuwang ang Cooperative Development Authority sa mga benepisyaryo upang magkaroon ng dagdag na kita tulad ang pagsisimula ng negosyo.
Bukod sa RCEF Mechanization Program ay pinangangasiwaan din ng PHilMech ang pagkakaloob ng Shared Processing Facility na layuning tumugon sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng nasa 2.5 milyong magsasaka ng niyog sa buong bansa. Sa kasalukuyan ay nasa tatlong Shared Facilities na itinatayo.
Nasa 29 coconut cooperators ang target na mabenipisyuhan sa naturang programa ngayong taon. (CLJD/CCN-PIA 3)
Ang isinagawang pamamahagi ng 121 iba’t ibang makinarya’t kagamitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization sa lalawigan ng Laguna noong nakaraang buwan. (PHilMech File Photo)