Nasa Romblon ang Quick Response Team ng Phivolcs para magsagawa ng assessment sa naganap na lindol sa Tablas Island noong May 20. (Photo: Odiongan PIO)
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Pag-aaralan ng Phivolcs o Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang posiblidad na mayroong fault line sa timog-kanlurang bahagi ng Tablas Island, Romblon kasunod nang naitalang magnitude 4.8 na lindol sa lugar noong May 20.
Sa isang press conference sa Odiongan, sinabi ni Engr. Leni Elena Torrevillas na posibleng may fault line sa lugar pero kailangan pa ng masusing pag-aaral upang matukoy ito dahil nasa ilalim ng tubig ang mga epicenter at kulang ang kagamitan ng ahensya para matukoy ito ng mabilisan.
"Since doon nangyari 'yung epicenter at medyo magnitude 4.8 na tayo at nakakaramdam tayo ng mga series of earthquake, masasabi natin na 'yung area na 'yun ay mayroong release of energy. It needs further study, pero as per that condition, na may series of earthquakes —meron sigurong fault na nasa shoreline," pahayag ni Torrevillas.
Sa ngayon, tanging ang Tablas Fault, North Tablas Fault at ang Sibuyan Fault ang recorded fault ng Phivolcs sa probinsya.
Sinabi rin ni Torrevillas na sa lugar ay walang bulkan kaya siguradong tectonic ang dahilan nang paggalaw ng lupa.
Simula May 20, aabot na sa 110 na lindol na ang naitala sa lalawigan ng Romblon kung saan 19 dito ay recorded habang lima naman ang naramdaman ng mga tao. Batay sa kanilang ulat, nasa magnitude 1.9 hanggang magnitude 3.9 ang lakas ng mga naitalang lindol.
Sa nasabing press conference rin ay iminungkahi ni Torrevillas sa mga lokal na pamahalaan na mas paigtingin pa ang pagsunod at pagpapatupad sa National Structural at National Building Codes of the Philippines. Aniya, ang pagsunod sa mga nabanggit na panuntunan ay makakatulong para masigurong ligtas ang mga bahay at gusaling itinatayo sa probinsya. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)