No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

18,000 bata, punterya ng MHO na bakunahan sa San Jose

Target ng Municipal Health Office (MHO) ng San Jose na mabakunahan ang 18,000 mga bata laban sa tigdas, rubella at polio. Ang mga larawan ay mula sa Provincial Health Office OccMdo.

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Punterya ng Municipal Health Office (MHO) ng San Jose na mabakunahan ang 18,000 mga bata sa bayang ito laban sa tigdas, rubella at polio ngayong buwan ng Mayo.

Sa ginanap na Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA) kamakailan, ipinaliwanag ni OIC Municipal Health Officer Dr. Lordevino Mesina, na kaugnay ito ng Chikiting Ligtas 2023: ‘Join the Big Catch-up, Magpabakuna para sa Healthy Pilipinas’, isang national supplemental immunization campaign ng Department of Health (DOH), simula May 2 hanggang 31.

Layunin ng programa na bakunahan ang 95% ng kabuuang populasyon ng mga bata na may edad 0-59 buwan para sa polio at 9-59 buwang gulang naman para sa measles at rubella.

Sinabi ni Mesina, na batay sa datos ng DOH, nalimitahan ang nabigyan ng mga nasabing bakuna nitong nakaraang taon dahil sa pandemya.

“Nakababahala na kapag umatake ang tigdas at nagkaroon ng outbreak, walang proteksyon ang mga bata, at posibleng marami sa mga ito ang mapahamak lalo na at bago pa lang nade-develop ang kanilang immune system,” saad ni Mesina.

Ayon sa tagapamahala ng MHO, isa sa nakikita nilang balakid upang magtagumpay ang vaccination program ay ang alinlangan ng ilang mga magulang kung ligtas at epektibo ang mga bakuna. Ayon pa sa MHO, dahil sa mga negatibong balita noon kaugnay ng Coronavirus Disease 2019 (Covid-19) vaccine, naapektuhan ang halos lahat ng immunization programs ng pamahalaan, kahit na ang mga subok nang bakuna.

Upang makamit ang target na 18,000 children vaccines sa San Jose, umapela si Mesina sa lahat ng sektor na tumulong sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon hinggil sa bakuna. Nagpapatuloy din aniya ang iba't ibang information campaign ng Pamahalaang Lokal at dinadala ng MHO ang kampanya ng bakunahan sa iba’t ibang barangay ng munisipalidad.  (VND/PIA Mimaropa- OccMin)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch