LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Itinaas ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa Alert Level Bravo o Moderate Risk ang National Capital Region (NCR) matapos ang pagpupulong para sa pre-disaster risk assessment (PDRA) para sa Bagyong Betty nitong Sabado.
Ang ibig sabihin ng Alert Level Bravo ay nakipag-ugnayan na ang ahensya sa mga mayor ng Kalakhang Maynila simula noong Sabado ng gabi at napag-usapan na ang kanilang paghahanda.
Batay sa taya ng PAGASA, inaasahang mula noong Sabado, nasa 50mm na ulan ang ibabagsak ng bagyo sa 24 oras sa loob ng tatlong araw kaya't kinakailangang mag taas ng protocol, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Atty. Don Artes.
Nagkasundo naman ang PDRA Core Group na itaas ang alerto sa status ng Emergency Operations Center (EOC) sa Blue.
Ito ay isang mas mataas na antas ng alerto na nangangahulugang lahat ng emergency response unit mula sa iba't ibang opisina ay inaatasan na mag-standby at subaybayan ang sitwasyon.
Samantala, nakaantabay na ang lahat ng rescue personnel at kagamitan ng MMDA gaya ng fiberglass boats, aluminum boats, rubber boats, life vest, iba pang equipment, rescue vehicles, at military trucks kung sakaling kailanganin ng tulong ng mga lokal na pamahalaan ng NCR.
Mahigit sa 400 barangay sa National Capital Region ang nanganganib sa baha kaya’t inihanda na rin ng MMDA ang 71 pumping stations sakaling magkaroon ng malakas na ulan at patuloy ang paglilinis at pagbabawas ng nakabara sa mga drainage system.
Patuloy ang ginagawang monitoring at koordinasyon ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno para sa paghahanda sa bagyo.
Patuloy na magpupulong ang MMDRRMC para sa mga pinakahuling lagay at ulat ukol sa bagyo at ang epekto nito sa habagat na posibleng magdulot ng pag-ulan at pagbaha sa Kamaynilaan.
Paghahanda ng mga lokal na pamahalaan at iba't ibang ahensya ng pamahalaan
Bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Mawar, nag deploy ang Lungsod Quezon sa bawat distrito ng iba pang mga kagamitan at sasakyan ng QC Engineering Department na maaaring magamit sa disaster response and rescue operations. Naka-standby na rin ang mga mini dump truck, manlift truck, payloader, at sewer jet.
Samantala, nag-inspeksyon ang Caloocan Office of City of Building Official (OCBO) sa kahabaan ng EDSA upang i-check ang mga billboards doon. Nag-abiso na rin si OCBO Officer-in-Charge Jay Bernardo sa mga may-ari ng mga billboard na maging responsable at pansamantalang tanggalin ang kani-kanilang mga billboard upang maiwasan ang sakunang maaring idulot ng mga ito kapag bumagyo.
Tiniyak naman ni Taguig Mayor Lani Cayetano na handa ang lungsod sa pagtugon sa anumang kagipitan o sakuna na idudulot ng bagyo hindi lamang sa mga residente kundi maging sa kanilang mga alagang hayop.
Pinaalalahanan niya ang mga Taguigeño na ipagpaliban muna ang mga okasyon o gawain sa labas ng bahay kung hindi naman talaga kailangan. Hinikayat din niya ang lahat na makinig at sumunod sa mga anunsyo ng lungsod ukol sa bagyo.
Siniguro naman ng mga emergency response team ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) na ang lungsod ay nakapag lagay na ng mga tamang emergency equipment bilang paghahanda. Nagsagawa rin ng inspeksyon ang lokal na pamahalaan sa mga pumping station sa lungsod para masigurado na lahat sila ay gumagana. Ilang water pump din ang na-install sakaling magkaroon ng baha.
Binuksan din ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang foodbank para paghandaan ang mga ipamimigay na pagkain sa pananalasa ng bagyo
Samantala, ang Department of Social Welfare and Development - NCR ay mayroon nang nakahandang food at non-food items na maaaring ipamahagi kaagad sakaling may mga maapektuhang lokal na pamahalaan sa NCR. (PIA-NCR / Photos by MMDA & DSWD-NCR)