BATANGAS CITY (PIA) — Sumailalim sa tatlong araw na refresher course ang mga barangay nutrition scholars (BNS) sa lungsod na ito noong ika-23 hanggang ika-25 ng Mayo.
Layunin ng naturang aktibidad na magbigay ng dagdag kaalaman at mapalakas ang kakayahan ng mga BNS para makapagbigay ng mas epektibo at mahusay na serbisyo sa kanilang lugar.
Ayon kay Eva Mercado, City Nutrition Action Officer, mahalaga ang nasabing aktibidad upang maunawaan ng mga lumahok ang mahalagang papel na kanilang ginagampanan sa komunidad.
Ilan sa mga pangunahing gawain ng mga BNS ay ang makamit ang seguridad sa pagkain, magkaroon ng sapat na nutrisyon ang lahat at matugunan ang hamon na labanan ang malnutrisyon na isa sa mga problemang hinaharap sa mga lokal na pamahalaan..
Bukod pa dito, ang mga BNS din ang nagsisilbing katuwang ng CHO upang maisulong ang eksklusibong pagpapasuso. Ang mga ito din ang nagsasagawa ng tamang pagtitimbang sa mga sanggol at bata at maging pagsusulat ng datos na kailangang isumite para sa profiling ng mga pamilyang may malnourished na anak.
Samantala, alinsabay sa naturang refresher course ay ang Pabasa sa Nutrisyon na isang hakbang upang masolusyunan ang malnutrisyon. (may ulat mula sa PIO Batangas City)