Patuloy ang isinasagawang tulong ng bayan ng Villaverde, Nueva Vizcaya para sa mga magsasaka ng kamatis upang hindi masayang at mapakinabangan ang kanilang produkto. PIA Photo
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Patuloy ang isinasagawang tulong ng bayan ng Villaverde sa probinsiyang ito para sa mga magsasaka ng kamatis upang hindi masayang at mapakinabangan ang kanilang produkto.
Ayon kay Municipal Licensing Officer Johnny Esquivel, nagsasagawa ng pag-aangkat ng mga produktong kamatis ang kanilang Local Government Unit upang matulungan ang may 200 na magsasaka na pawang mga tribung ‘Ayangan’ ng Barangay Cabuluan kung saan ito ay ibinebenta sa mga manggagawa at mga mamamayan na dumudulog sa LGU.
Ayon pa sa kanya, may ugnayan na rin sila sa Nueva Vizcaya State University (NVSU) kung saan naturuan ang mga magsasaka hinggil sa food processing ng mga produktong kamatis katuwang ang Department of Science and Technology (DOST), Department of Trade and Industry (DTI) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Dahil sa natamong training, product labelling at mga kagamitan, ibinebenta na ng mga magsasaka ng Barangay Cabuluan ang kanilang gawang Tomato Wine, Tomato Jam, Tomato Paste at iba pa sa mga mamamayan ng lalawigan.
Ang kanilang produkto ang laman ng kanilang Trade Fair Expo booth at siyang isinali ng LGU sa Gawang Vizcayano Competition bilang bahagi ng 2023 Grand ‘Ammungan’ Festival ng lalawigan.
Ayon pa kay Esquivel, ang mga produktong gawa sa kamatis ay isasali nila sa One Town One Product ng LGU upang tuluy-tuloy na matulungan ang mga magsasaka ng kamatis.
Dagdag pa nito na humingi rin sila ng tulong mula kay Senator Imee Marcos upang makumpleto ang livelihood project ng mga tomato farmers ng Barangay Cabuluan.
Dahil sa buong suporta ni Mayor Ronelie Valtoribio sa nasabing livelihood project, umaasa si Esquivel na maiaangat ang kabuhayan ng mga tomato farmers ng bayan na dating nalulugi dahil sa mababang presyo at mataas na gastusin sa produksiyon at transportasyon upang madala ang mga produktong kamatis sa mga pamilihan. (OTB/BME/PIA NVizcaya)