No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Emergency Operations Center ng probinsya, itinaas sa Red Alert Status

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Bunsod ng mga epekto ng masamang panahon dulot ng Bagyong Betty, isinailalim na sa Red Alert Status ang Emergency Operations Center (EOC) ng lalawigan ngayong araw.

Sinabi ni OIC- Operations Warning Division Chief Mariefel Cabile, ang anunsyo ng red alert status ay ibinatay sa ilang mga kaganapan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. Kabilang dito ang pagbaha sa Brgy Claudio Salgado at Brgy Tagumpay sa bayan ng Sablayan, kung saan 371 pamilya ang naapektuhan. “Posible pang tumaas ang bilang na ito dahil sa huling report na natanggap natin, nagsasagawa na rin ng pre-emptive evacuation ang Brgy Ilvita (Sablayan),” saad ni Cabile.

Apektado rin ng masamang panahon ang pasok sa mga eskwelahan. Katunayan, suspendido ngayong araw ang klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas, sa 11 bayan ng probinsya. May ilang munisipalidad, tulad ng Abra de Ilog at Calintaan, na nagkansela rin ang pasok sa opisina.

Pansamantala ring ipinagbawal ang paglalayag ng mga maliliit na sasakyang pandagat sa mga bayan ng Looc at San Jose. Hindi na rin pinayagang pumalaot ang mga Roro vessel sa munisipalidad ng Lubang.

Samantala, naitala naman ang isang casualty sa Abra de Ilog; tinamaan ng kidlat ang biktima habang nangingisda. Nakaligtas naman, bagamat nagtamo ng sunog sa katawan, ang isa pang tinamaan din ng kidlat sa bayan ng San Jose.

Ayon kay Cabile, ngayong nasa red alert status ang EOC, inaasahan ang mas mataas na antas ng koordinasyon ng mga ahensya at tanggapan na bumubuo ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC).

“Hindi lang basta monitoring ang gagawin natin, sa tulong ng ating mga kasama sa PDRRMC at ka-partner natin sa bawat bayan (Municipal Disaster Risk Reduction Management Office), magsasagawa na tayo ng pagbisita sa mga lugar na naapektuhan ng masamang panahon,” ani Cabile. (VND/PIA Mimaropa – OccMdo)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch